KITANG-KITA ang pagkakaiba ng mga abogado at hindi abogado sa Senado sa kontrobersyang maitatawid o hindi ang pagdinig sa kasong impeachment at ang pag-postpone o pagpapaliban nito mula Hunyo 2 sa Hunyo 11, 2025
Apat ang lumahok sa kontrobersya: Sina Senator Attys. Senate President Chiz Escudero, Francis Tolentino at Koko Pimentel at Risa Hontiveros.
Makaraang ilatag ni Tolentino ang kanyang opinyon na kung simulang litisin ngayon ang kasong impeachment ngunit hindi matatapos ito hanggang Hunyo 30 sa ilalim ng ika-19 Kongreso, tapos na ang impeachment dahil sa kawalan ng hurisdiksyon at kapangyarihan dito ng Senado batay sa tadhana ng Konstitusyon na hanggang Hunyo 30 lang ang buhay mismo ng ika-19 na Kongreso.
Aniya, hindi pupwedeng itawid ang paglilitis sa ika-20 Kongreso.
Kinontra ito ni Hontiveros at naglabas ng mga batayan mula sa probisyon ng Konstitusyong 1987 at ilang desisyon ng Supreme Court.
Sinegundahan siya ni Pimentel ngunit ipinaliwanag niyang para itong kaso sa korte na kahit magpalit-palit ang mga huwes, tuloy-tuloy ang pagdinig dahil naka-docket na ang kaso at hindi na magbabago.
Dito ipinaliwanag ni Tolentino na sa 1987 Konstitusyon, hindi makabubuo ang Senado ng Pilipinas ng 2/3 ng mga miyembro na sapat para magsilbing Impeachment Court at makagawa ng karampatang desisyon na mag-convict o mag-acquit ng akusado dahil 12 senador na lang ang matitira makaraan ang Hunyo 30.
Hindi katulad sa 1935 Konstitusyon na may 2/3 o 16 miyembro na matitira tuwing eleksyon para sa Impeachment Court dahil tig-wawalo lang ang ibinobotong senador tuwing halalan noon.
Inihabol ni Hontiveros ang opinyon ng isang abogado ng University of the Philippines na pupwedeng itawid ang paglilitis ngunit sinopla ito ni Tolentino batay sa kawalan ng quorum ayon sa 1987 Constitution.
Sinabi naman ni Escudero na ang plenaryo ang pinal na magpapasya sa isyu.
Inilabas naman ni Tolentino ang kahalagahan din nang pagpapasya ng Supreme Court sa magkasalungat na petisyon ngayon para sa pagtigil impeachment at mandamus sa Senate na ituloy ito.
Klaro sa pangyayari ang awtomatikong pagbulwak ng mga prinsipyong ligal at konstitusyonal mula sa bibig ng mga abogado sa kontrobersya at kakapusan naman sa hindi abogado.






