PINATUNAYAN muli ng PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation ang kanilang malasakit sa kalusugan ng mga Filipino matapos nitong ilabas ang higit Php 592 million na kabuuang bayad sa claims ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) mula Enero 1, 2025 hanggang Mayo 21, 2025.
Kasabay ito ng naging pagbisita ni acting PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado sa NKTI nitong May 28, 2025, kung saan kanyang personal na inalam ang kalagayan ng mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis at iba pang renal replacement therapies. Layunin ng kanyang pagbisita na tiyaking nakikinabang ang mga miyembro sa pinalawak na benepisyo mula sa ahensya.
Ayon kay Dr. Mercado, ang hakbang na ito ay tugon sa utos ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na tiyaking hindi mapuputol ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Filipino. Bahagi ito ng “RISE30 Mission” ng PHILHEALTH na layong pabilisin ang proseso ng claims at pagbayad upang maranasan ng bawat Filipino ang buong benepisyo ng kanilang health insurance.
Batay sa tala ng NKTI, may isang Filipino na nagkakaroon ng chronic renal failure kada oras, o tinatayang 120 katao bawat milyong populasyon kada taon.
Bilang tugon, pinalawak pa ng PHILHEALTH ang benepisyo nito sa mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease (CKD) Stage 5, kabilang ang:
– Pagtaas ng covered hemodialysis sessions mula 90 patungong 156 kada taon;
– Pagtaas ng Z Benefit Package para sa Peritoneal Dialysis hanggang Php 1.2 million; at
– Pagtaas ng Z Benefit para sa Kidney Transplantation mula Php 600,000 patungong mahigit Php 2 million.
Sa loob lamang ng unang limang buwan ng 2025, nakapagbayad na ang PHILHEALTH ng Php 161 milyon para sa mga hemodialysis procedures sa NKTI. Itinuturing na ngayon ang hemodialysis bilang pinakamataas na medical procedure na binayaran ng ahensya sa buong bansa simula noong 2024.
Pagseseguro ni PCEO Dr. Mercado, sa mga pagbabagong nangyayari sa mga benepisyo, wala nang dapat pang ikabahala ang mga miyembro dahil halos sinasagot na ng PHILHEALTH ang buong gastusin. Ipagpapatuloy umano ito ng ahensya ang misyon nito na maging mabilis, patas, at mapagkakatiwalaan ang serbisyo nito.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag ang mga miyembro sa 24/7 hotline ng PhilHealth sa (02) 8662-2588 o sa mobile numbers na 0998-8572957, 0968-8654670 para sa Smart users, at sa 0917-1275987, 0917-1109812 sa mga Globe users.






