Home NATIONWIDE Socmed dapat iregulate ng gobyerno vs fake news – PCO

Socmed dapat iregulate ng gobyerno vs fake news – PCO

289
0

MANILA, Philippines – Dapat nang i-regulate ng gobyerno ang mga social media platform upang labanan ang patuloy na paglaganap ng misinformation at disinformation.

Ito ang naging pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz sa isinagawang ika-limang pagdinig ng House Tri-Committee hinggil sa “fake news,” matapos tanungin ni Antipolo Rep. Romeo Acop kung ang pinakamahusay na paraan ba upang labanan ang disinformation ay sa pamamagitan ng government regulation.

“Wouldn’t it be better na hayaan natin ang mga social media platforms to self-regulate?” tanong ni Acop.

Ayon kay Ruiz, bagaman may ginagawa nang self-regulation ang mga platform sa pamamagitan ng kanilang mga community standards, ang gobyerno pa rin ang dapat magtakda ng pamantayan.

Para kay Ruiz, dapat managot ang mga platform sa pagkalat ng maling impormasyon. Inihalintulad niya ito sa isang bar kung saan may responsibilidad ang may-ari na tiyaking hindi magdudulot ng gulo ang mga pumapasok.

“Dapat ‘yung pagpasok sa bar, kayo nagche-check kung tama ba ‘yung impormasyon na ito. At kung hindi mo magawa ‘yan, kung hindi mo ma-self-regulate ang sarili mo, ipa-regulate mo sa iba,” giit ni Ruiz.

Dagdag pa niya, kailangang igiit ng mga platform, gaya ng Facebook, ang malinaw na hangganan sa pagitan ng regulasyon at censorship.

Mayroon nang third-party fact-checkers ang Facebook na sumusuri sa mga kahina-hinalang content. Ang mga ito ay nilalagyan ng warning label, ngunit hindi awtomatikong tinatanggal sa platform.

Bilang halimbawa, binanggit ni Ruiz ang Singapore, na may batas laban sa misinformation at disinformation mula pa noong 2019. Sa ilalim ng Protection from Online Falsehoods and Manipulation Act (POFMA), maaaring hilingin ng gobyerno sa mga platform gaya ng Meta na limitahan ang reach ng isang post o markahan ito bilang “false.”

Paliwanag ng Meta: “As a neutral platform, Instagram does not endorse the truthfulness of either the content which is the subject of the government correction, or the government correction itself.”

Muling iginiit ni Ruiz ang pangangailangan ng isang batas na magtatakda ng kahulugan ng fake news, ang mga parusa, at kaukulang pag-aaral upang maipatupad ito nang epektibo.

Tinukoy rin niya ang European Union’s Digital Services Act (DSA) bilang modelo. Sa ilalim nito, inaatasan ang mga malalaking platform na magsagawa ng audit at ilahad ang systemic risks na maaaring makapinsala sa civil discourse, integridad ng halalan, at karapatang pantao.

Ipinag-uutos din ng DSA ang paghihigpit sa content na malinaw na lumalabag sa terms of service o batas ng mga EU member states, ayon sa U.S.-based think tank na Freedom House. May karapatan naman ang mga may-akda ng content na iapela o baguhin ang kanilang mga post.

Bagaman tinawag ng Freedom House ang DSA bilang tagumpay sa transparency, nagbabala rin ito na maaari itong humantong sa sobra-sobrang pagtanggal ng content, at posibleng gamitin ng gobyerno ang batas upang alisin ang nilalaman na pinoprotektahan ng mga pandaigdigang pamantayan sa karapatang pantao.

Sa huli, sinabi ni Ruiz: “With the absence of a law—first off, defining what fake news is, penalties, studies—wala tayong mapanghawakan.” Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here