MANILA, Philippines – Malinaw ang mandato ng Senado na litisin ang nahaharap sa reklamong impeachment at hindi para lang para palusutin.
Ito ang reaksyon ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña matapos sabihin ng Senado na target nilang tapusin ang impeachment trial sa loob ng 3 Linggo, batay sa ipinapanukalang timeline ay June 11 hanggang June 30.
“Malinaw naman yung panawagan natin dati pa, kailangan ng impeachment case natin ng fair day in court. And hindi siya magkakaroon ng fair day in court kung mamadaliin,” pahayag ni Cendaña.
“Dapat maalala nila na ang mandato ng Senado ay litisin, hindi palusutin. Alam natin kapag minadali, kulang yung oras sa dami ng mga ebidensya na ipiprisinta. So again sana ma-realize nila na it’s always the Constitution over personal ambition. Yun ang mahalaga,” dagdag pa nito.
Hindi rin pabor si 1 Rider Partylist Rep Rodge Gutierrez sa ipinapanukalang timeline ng Senado gayundin, aniya, hindi ito sapat na panahon para iprisinta ang lahat ng ebidensya ng prosekusyon.
Aniya, 7 ang articles of impeachment at hindi sapat ang June 11 hanggang 30 para sakupin ang prosecution, defense at deliberasyon ng senator-judges.
“Dalawang araw lang yung nabibigay for presentation of evidence, and if you will divide it into seven articles, that will really not be enough time,” paliwanag ni Gutierrez.
Kung walang sapat na panahon sa ilalim ng 19th Congress, pabor ang prosecution team na ituloy ang trial sa 20th Congress gaya ng nangyari sa kaso sa US (United States) National Congress.
Samantala, tumanggi muna si Deputy Speaker at Quezon Rep Jayjay Suarez na magkomento sa 19 araw impeachment calendar na ipinapanukala ng Senado.
“Well, I have not seen the impeachment calendar. I think it’s a mere proposal. Not until may makita tayong concrete from the Senate, I think they will be having their session today (Monday). Siguro saka na lang po kami mag-comment on that,” ani Suarez.
Ukol naman sa panukala na gawin na lamang 2 ang article of impreachment, sinabi ni Suarez na 7 ang tinukoy ng Kamara. Gail Mendoza