Home NATIONWIDE Regulatory framework itatag sa seguridad sa nuclear energy – Gatchalian

Regulatory framework itatag sa seguridad sa nuclear energy – Gatchalian

208
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagtatatag ng isang komprehensibong regulatory framework para sa paggamit ng nuclear energy sa bansa upang matiyak ang kaligtasan at pangmatagalang benepisyo nito.

Ayon kay Gatchalian, kailangang magkaroon ng malinaw na balangkas ng regulasyon upang matugunan ang mga agam-agam ng publiko kaugnay ng potensyal na paggamit ng nuclear energy sa Pilipinas.

“Mahalaga ang isang komprehensibong regulatory framework, lalo na’t patuloy na tumataas ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya,” ani Gatchalian.

Ang pahayag ng senador ay kasunod ng pag-apruba ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang batas na naglalayong lumikha ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PAERA).

Sa ilalim ng panukala, ang bagong ahensya ay magkakaroon ng kapangyarihang mag-regulate sa lahat ng pinagmumulan ng ionizing radiation, kabilang ang mga nuclear at radioactive materials, pati na rin ang mga radiation devices. Si Gatchalian, na vice-chair ng Senate Committee on Energy, ay isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala.

Itinatakda rin sa panukalang batas ang mga parusa para sa hindi awtorisadong paghawak o maling paggamit ng nuclear materials. Bibigyang-prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng publiko, pangangalaga sa kalikasan, at pagsunod sa mga internasyonal na pamantayan upang mapalakas ang kumpiyansa ng mamamayan.

“Sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang komprehensibong regulatory framework para sa nuclear technology, matitiyak natin na ang mga agam-agam tungkol sa paggamit nito ay matutugunan at lalakas ang kumpiyansa at tiwala ng publiko,” dagdag ni Gatchalian. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here