Home NATIONWIDE Publiko patuloy na hinihimok BONG GO: MAG-INGAT SA RABIES, MPOX

Publiko patuloy na hinihimok BONG GO: MAG-INGAT SA RABIES, MPOX

236
0

MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na manatiling alerto sa gitna ng patuloy na panganib ng rabies at pagdami ng mga kaso ng mpox (monkeypox) sa ilang bahagi ng bansa.

Bagama’t kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang 32% pagbaba ng kaso ng rabies, binigyang-diin ni Go na nananatiling mataas ang fatality rate nito kapag lumitaw ang mga sintomas.

Binanggit din niya ang katamtamang pagtaas ngayong Hunyo ng mpox sa ilang lugar kaya kailangan ng atensyon at pag-iingat ng publiko.

“Hindi puwedeng balewalain ang rabies — kahit bumaba ang mga kaso, nakamamatay pa rin ito kapag huli na ang gamutan,” ang babala ni Go, chairperson of the Senate committee on health.

“Gano’n din sa mpox. Kahit kumaunti ang naiulat na kaso ngayon, kailangan pa ring mag-ingat at sumunod sa mga payo ng health experts.”

Ginawa ni Go ang babala kasunod ng pagkamatay ng isang 9-anyos na lalaki sa Sarangani matapos makagat ng “stray dog” noong Mayo ngunit itinago sa kanyang magulang.

Nagsimulang magpakita ng sintomas ang bata, makalipas ang ilang linggo at idineklara siyang dead-on-arrival sa ospital.

Kinumpirma ng mga opisyal ng kalusugan na ang nakakagat na aso ay kinatay at kinain ng humigit-kumulang 30 residente, lahat ay sumasailalim ngayon sa post-exposure prophylaxis.

“Nagpapasalamat tayo na hindi na mas delikadong strain ang na-detect sa bansa. Pero hindi ibig sabihin nito ay puwede na tayong maging kampante,”ani Go.

“Alagaan natin ang ating sarili, lalo na sa mga lugar na may naiulat na kaso.”

Kaugnay nito, nanawagan si Go sa local government units (LGUs), rural health units, at barangay officials na manatiling aktibo at paigtingin ang kanilang pampublikong edukasyon at pagsusubaybay sa sakit. Binigyang-diin niya na ang accessibility sa paggamot at tumpak na impormasyon sa grassroots level ay napakahalaga sa pagtugon sa kalusugan ng bansa.

“Ang rabies at mpox ay parehong puwedeng maagapan kung may sapat tayong kaalaman at access sa tamang impormasyon at serbisyong medikal. Dapat laging may handang bakuna, may trained na medical personnel, at may malinaw na patakaran para sa ligtas na komunidad,” paliwanag niya.

Bilang matagal nang tagapagtaguyod ng reporma sa sistema ng kalusugan, patuloy na isinusulong ni Go ang pangmatagalang solusyon at mas mahusay na mga kasangkapan sa bansa upang malabanan ang mga hinaharap na hamon sa kalusugan ng publiko.

Kabilang sa kanyang mga pangunahing hakbang sa pambatasan ay ang kanyang inihaing Senate Bill No. 195, na naglalayong itatag ang Center for Disease Control (CDC), na magsisilbing sentro sa pag-iwas, pagsubaybay, at pagkontrol ng mga sakit.

“Kahit anong sakit, kung may tamang impormasyon ang taumbayan, mas madali nating makokontrol. Kaya ‘wag na nating palalain pa — ugaliing magbasa, makinig, at magtanong kung may alinlangan,” ani Go. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here