MANILA, Philippines – Wala pang naitatalang kaso ng bagong COVID-19 variant na NB.1.8.1 o “Nimbus” sa Pilipinas, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Herbosa binabantayan na ito sa ilang bansa sa Southeast Asia ngunit wala pa dito sa bansa.
“Wala pa akong nakuhang report but now we will be monitoring that now that’s reported,” ani Herbosa.
Ayon sa DOH, mas pinaigting ang pagbabantay sa mga kaso ng COVID-19 ngayong tag-ulan dahil ito rin ang panahon ng mga trangkaso.
Sinabi ni Herbosa na ang variant na Nimbus ang dahilan ng pagtaas ng kaso sa ibang bansa at may sintomas itong tinatawag na “razor blade throat” o parang sakit sa lalamunan, batay sa ulat ng Associated Press.
Nilinaw din ni Herbosa na epektibo pa rin ang mga naunang bakuna laban sa variant na ito.
“It seems yung vaccines na binigay before are still effective on them. So, if you were vaccinated during the previous COVID pandemic, you are still protected,” anang opisyal.
Bagamat walang pagtaas ng kaso sa ngayon, nagpapatuloy ang genome sequencing ng DOH at RITM upang tiyaking hindi pa ito nakapasok sa bansa.
Pinapayuhan pa rin ang publiko na maging maingat at sumunod sa health protocols lalo na ngayong panahon ng trangkaso.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa iba pang bansa para sa posibleng pagpasok ng mga bagong variant.
“’Yan yung importance na nagri-report ‘yung ibang countries what their variant is. So, that means magsa-surveillance kami. We will select samples at paggagawa namin sa RITM (Research Institute for Tropical Medicine) ‘yung genome sequencing para malaman namin kung ‘yung variant na ‘yan lumalabas na dito,” sinabi pa ni Herbosa. RNT/JGC