Home HOME BANNER STORY Asylum rejection kay Roque ‘di fake news; DOJ may intelligence assets –...

Asylum rejection kay Roque ‘di fake news; DOJ may intelligence assets – Palasyo

MANILA, Philippines – Iginiit ng Malacañang na hindi “fake news” ang ulat ng Department of Justice (DOJ) na na-reject ang asylum application ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque sa Netherlands.

Sa press briefing nitong Huwebes, Hunyo 19, sinabi ni Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na may sapat na intelligence sources ang DOJ na siyang pinagkukunan ng impormasyon.

“‘Wag po natin kalimutan na may intelligence assets ang [Department of Justice] at ibinibigay po nila ang karampatang impormayon sa Department of Justice,” ani Castro.

Dagdag pa niya, “Nagpapasalamat tayo because Atty. Harry Roque has been telegraphing his punches and the government, and the DOJ, we are ready for you.”

Nauna nang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na na-deny ang political asylum ni Roque sa The Hague. Ito ay kasunod ng kinahaharap niyang kaso ng qualified human trafficking sa Pilipinas.

Ayon kay Remulla, nananatiling bukas ang DOJ sa pag-antabay sa magiging resulta ng asylum application ni Roque sa Germany. Posible umanong hindi na ituloy ang extradition kung kanselahin ang kanyang pasaporte.

Mariing itinanggi naman ni Roque ang ulat at tinawag itong “fake news.” Giit niya, planado ang kanyang pagpunta sa Germany at bumalik na rin siya sa The Hague.

Bilang tugon sa paratang ni Roque, muling pinanindigan ng Palasyo na may sapat na batayan ang pahayag ng DOJ, dahil sa tulong ng kanilang intelligence assets. RNT/JGC