Home HOME BANNER STORY Libo-libong illegal ‘Scatter’ gambling websites aalisin ng pamahalaan

Libo-libong illegal ‘Scatter’ gambling websites aalisin ng pamahalaan

MANILA, Philippines – Kumikilos na ang pamahalaan para alisin ang libo-libong illegal gaming websites sa bansa, lalo na ang mga nag-aalok ng “Scatter” na nagdudulot ng epekto sa mga pamilya at komunidad.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang “Scatter” ay isang laro na legal na ino-offer ng mga lisensyadong online gaming websites sa ilalim ng regulasyon ng PAGCOR.

Sa kabila nito, iginiit niyang may mas malaking problema sa patuloy na operasyon ng mga illegal Scatter websites.

“Nakausap po natin si Attorney Jeremy Luglug, ang AVP ng Electronic Gaming Licensing Department… ang scatter po ay isang game na ino-offer ng mga licensed gaming website,” ani Castro, sa panayam ng ABSCBN News.

“So, kapag po ito ay in-offer naman ng isang license gaming website, nako-control po ito, namo-monitor po ito at kung ang pamilya man ay nagkaka-problema sa kanilang kamag-anak dahil nagugumon sa sugal maari po sila agad pumunta sa PAGCOR para po ma-ban ang tao na ito sa paglalaro.”

Ibinunyag ni Castro na umabot na sa 7,000 illegal gaming websites ang naipasara na ng pamahalaan sa tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

“Ang problema po ngayon ng gobyerno ay marami pong illegal na gaming website… Iyon lamang po, kapag po naipasara, mag-iiba na naman ng website,” ani Castro.

“Hindi po titigil ang PAGCOR at ang DICT sa pagtanggal ng mga ganitong klaseng website, kaya lamang po ay magiging paulit-ulit dahil paulit-ulit silang nagbabago ng kanilang website,” dagdag pa niya.

Nanawagan ang Palasyo sa publiko na huwag tangkilikin ang mga hindi lisensyadong online gambling platforms. RNT/JGC