Home NATIONWIDE DOH nagbabala sa ‘di rehistradong rabies vaccines

DOH nagbabala sa ‘di rehistradong rabies vaccines

249
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa laban sa mga rabies vaccine na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at ibinebenta sa napakamurang halaga.

Sa isang press briefing sa Malacañang, ibinunyag ni Herbosa na may mga bakunang pumapasok sa bansa na hindi dumaan sa proseso ng FDA, at ito ay ibinibenta ng ilang pribadong pasilidad gaya ng animal bite centers.

“We have discovered there are vaccines coming in that are not registered with FDA… at an alarmingly low price,” ani Herbosa.

Dagdag niya, pinaniniwalaang ipinuslit ang mga bakunang ito.

“Ang tawag namin doon, contraband. Whether they are real or not, if they didn’t pass through the FDA, hindi dapat iyon maibenta.”

Nagbabala rin si Herbosa na maaaring peke o kulang sa tamang dosage ang mga naturang bakuna, kaya hindi ito epektibo sa mga nakakagat ng hayop na may rabies.

Inanunsyo rin ng DOH na magsasagawa ng inspeksyon sa mga animal bite centers sa mga susunod na araw.

“That is the reason pinapa-strengthen namin itong panghuli… baka by a few days from now, makarinig tayo ng mga establishment na mati-check sila kung mayroon talaga silang vaccine,” ayon sa kalihim.

Sa parehong briefing, inihayag din ni Herbosa na dumoble ang bilang ng mga namatay dahil sa rabies — mula 200 noong 2023, umakyat ito sa 400 ngayong 2024. Sa datos ng DOH, 52% ng mga kasong ito ay mula sa alagang hayop na hindi nabakunahan.

“This is why we’re pushing for responsible pet ownership,” ani Herbosa.

Hinihikayat din ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na dagdagan ang pondo para sa mga programang pangbakuna sa hayop at suportahan ang mga inisyatiba tulad ng mobile vet clinics at donation drives.

Paalala ni Herbosa sa publiko: “Let’s end rabies deaths in the country. The simplest and most effective way is to ensure every pet is vaccinated every year.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here