MANILA, Philippines – Nagsanib-puwersa ang coast guards ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan sa limang araw na joint maritime exercises sa baybayin ng Kagoshima, Japan, bilang pagpapakita ng pagkakaisa sa harap ng patuloy na tensyon sa East at South China Sea.
Ang pagsasanay, na ginanap sa ilalim ng usok ng aktibong bulkan na Sakurajima, ay ikalawang pagkakataon na nagsanay nang magkakasama ang tatlong bansa at unang beses na isinagawa sa teritoryo ng Japan.
Isang barko mula sa bawat bansa ang lumahok sa huling bahagi ng drill nitong Biyernes, kabilang ang BRP Teresa Magbanua—isang 2,265-toneladang patrol vessel na karaniwang nagbabantay sa presensya ng China sa West Philippine Sea.
Gamit ang mga barko, rescue boats, drones, at helicopter, isinagawa ang iba’t ibang senaryo tulad ng pagligtas sa taong nahulog sa dagat, aksidente sa karagatan, at simulated na sunog kung saan ginamit ng bawat coast guard ang kanilang water cannon upang apulahin ang apoy.
Ayon kay Naofumi Tsumura ng Japan Coast Guard, “More than anything, we have strengthened coordination and cooperation between us.”
Aniya, ang mga pagsasanay ay nagpatibay ng tiwala at ugnayan sa pagitan ng mga kalahok na bansa.
Kasunod ito ng matinding pagkabahala ng tatlong bansa sa agresibong pagkilos ng China sa pinag-aagawang teritoryo, kabilang na ang insidente nitong Biyernes kung saan gumamit ng water cannon ang China laban sa dalawang barko ng Philippine Bureau of Fisheries and Aquatic Resources malapit sa Scarborough Shoal.
Sa isang pinagsamang pahayag noong 2024, nagpahayag ng “malalim na pagkabahala” ang Pilipinas, US, at Japan sa “dangerous and coercive use of Coast Guard and maritime militia vessels” ng China sa South China Sea, at iginiit ang pagtutol sa anumang tangkang baguhin ang status quo sa East China Sea sa pamamagitan ng puwersa o pananakot.
Bagamat kinilala ni Tsumura na may ilang detalye sa drill na maaaring mapabuti, iginiit niyang mas epektibo na ngayon ang koordinasyon ng tatlong coast guard sa maritime rescue operations. “I believe we are now able to conduct maritime rescue operations more effectively,” aniya. RNT/JGC