MANILA, Philippines – ILANG araw na lamang ay matatapos na ang termino ng kasalukuyang alkalde ng Lungsod ng Maynila na si Mayor Honey Lacuna-Pangan kaya’t nababahala na ang mga senior citizen sa pagka-antala ng kanilang pensiyon na dapat ay matatanggap na nila ngayong buwan ng Hunyo.
Sa darating na Hunyo 30, 2025 ng tanghali ay magsisimula nang manungkulan bilang bagong alkalde ng nasabing lungsod ang nagbabalik na si Mayor Isko Moreno Domagoso, kaya’t sa kabila ng pag-aalala ng mga senior citizen ay patuloy pa din nilang
pinanghahawakan ang pangako ni Lacuna na tuwing ikaltong buwan ng taon ay matatanggap ng mga lolo at lola ang P3,000 pensiyon na kumakatawan sa P1,000 kada buwan mula sa dating P500.
Matatandaan na nitong buwan ng Marso bago pa man ang pagsisimula ng kampanya ng lokal na kandidato para sa 2025 mid-term election ay natanggap na ng mga senior citizen ang P3,000 pensiyon para sa buwan ng Enero hanggang Marso kaya’t hinihintay nila ngayon ang susunod na matatanggap para naman sa buwan ng Abril hanggang Hunyo.
Ipinamahagi ang pensiyon sa mga nakatatanda ikalawang linggo ng Marso ng kasalukuyang taon ngunit ngayong sumunod na quarter ay malapit ng matapos ang buwan ng Hunyo ay hindi pa naipamamahagi ang pensiyon ng mga senior citizen sa Maynila.
Nauna ng nagpahayag ng pagkabahala ang Local Governance Transition Team ni Yorme Isko sa posibleng malaking problema na kaharapin ng mauupong alkalde bunga ng napakaraming obligasyong mamanahin lalu na sa mga suppliers.
Iniulat din ng transition team ni Yorme ang nakakabahala umanong pagnipis ng reserbang salapi ng lokal na pamahalaan na mula P16.3 bilyon noong 2020, lumiit na ito sa P7.3 bilyon nitong Marso 2025 na katumbas ng P55% pagbaba.
Dahil dito, hindi maalis sa mga senior citizen ang pag-aalala na baka tuluyang maantala ang kanilang pensiyon lalu na’t lumobo sa P1.2 bilyon kada taon ang kailangan para lamang sa kanilang dinobleng pensiyon kada buwan na ipinamamahagi tuwing ikatlong buwan ng isang buong taon. JAY Reyes