Home METRO 3 security escorts, tiklo sa baril sa Makati

3 security escorts, tiklo sa baril sa Makati

248
0

MANILA, Philippines – Sa loob lamang ng dalawang minuto—pasok sa tatlong minutong direktiba ng mabilis na pagresponde ni PNP Chief PGen Nicolas D. Torre III—agad na naaresto ng mga operatiba ng Makati City Police ang tatlong armadong lalaki dahil sa mga kasong light threats at illegal possession of firearms, ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD) noong Hunyo 22.

Kinilala ni bagong talagang Makati Police Chief P/Col. Reycon Garduque ang mga suspek na sina alyas Lucrecio, 38; Frank, 38; at Jeo, 27.

Batay sa ulat ni Garduque sa SPD, nadakip ang mga suspek sa isang kainan malapit sa bahay ng biktima na kinilalang si alyas Jonathan, 41, residente ng Balagtas Street, Barangay La Paz, Makati City.

Ayon sa biktima, napansin niyang kahina-hinala ang kilos ng mga suspek na paikot-ikot sa labas ng kanyang tahanan, at nagtangka pa umanong pumasok bandang alas-7:50 ng gabi noong Biyernes, Hunyo 20. Dahil dito, agad siyang tumawag sa 911.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Substation 2 at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), at naabutan ang mga suspek sa isang kainan sa lugar. Sa isinagawang confrontation, natukoy na ang tatlo ay pawang mga civilian security escorts.

Boluntaryo namang isinuko ng mga suspek ang kanilang tatlong .45 caliber pistol na kargado ng bala, pati na rin ang kanilang mga sling bag at iba pang firearm accessories.

Sa isinagawang beripikasyon, lumabas na isa lamang sa kanila ang may valid na License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR).

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article 283 ng Revised Penal Code (Light Threats) at sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Makati City Police ang mga suspek habang hinihintay ang pagsasagawa ng inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office.

“The rapid deployment and immediate action of our Makati CPS personnel is a testament to our commitment to swift and responsive public service. Under the leadership of our Chief PNP, we continue to elevate our standards and ensure the safety of every community,” pahayag ni SPD Director P/Brig. Gen. Randy Y. Arceo. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here