MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na bukas ito sa petisyon na inihain ng isang partidong politikal sa Korte Suprema na nananawagan ng manual recount ng mga boto para sa mga senador sa halalan noong Mayo 12.
“Welcome po sa Comelec ang mga ganitong remedy to prove the real mandate of the electorate. We will just wait for the SC action on this matter,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na wala nang hurisdiksyon ang Comelec sa mga kandidato sa pagkasenador simula Hunyo 30.
Ipinaliwanag niya na ang hurisdiksyon sa mga electoral contest na kinasasangkutan ng mga senador at kongresista ay lilipat na sa Senado at Mababang Kapulungan sa pamamagitan ng kani-kanilang mga electoral tribunal—ang Senate Electoral Tribunal (SET) at House of Representatives Electoral Tribunal (HRET)—kapag opisyal na silang nanungkulan simula Hunyo 30.
Ang naturang petisyon na humihiling ng manual recount ng mga boto para sa Senado sa halalan noong Mayo 12 ay inihain ng PDP-Laban nitong Lunes.