QUIRINO, Isabela — Pinagluluksa ngayon ng kanyang mga kaanak at kaibigan ang isang inhinyero matapos masalpok ang minamaneho nitong motorsiklo ng kasalubong na Hilux pick-up sa kahabaan ng Barangay Santiago, Quirino, Isabela.
Kinilala ang nasawing biktima na si John Paul Umipig, 30 anyos, binata, empleyado ng National Irrigation Administration (NIA), at residente ng Sta. Lucia, Quirino, Isabela. Ang drayber ng pick-up naman ay nakilalang si Elvin Caliguiran, 45 anyos, empleyado ng ISELCO at residente ng Brgy. Lapogan, Tumauini, Isabela.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, magkasalungat ang takbo ng dalawang sasakyan—papuntang bayan ng Mallig ang pick-up, habang patungo naman sa bayan ng Delfin Albano ang motorsiklo.
Pagdating sa lugar ng insidente, sinasabing nag-overtake ang pick-up sa sinusundang sasakyan at habang nasa kabilang linya ay aksidente nitong nasalpok ang kasalubong na motorsiklo.
Dahil sa lakas ng banggaan, sumemplang sa kalsada ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan. Samantala, hindi naman nasugatan ang drayber ng pick-up.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital si Umipig ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng rumespondeng doktor.
Samantala, boluntaryong sumuko sa istasyon ng pulisya si Caliguiran at nakatakdang sampahan ng kasong may kaugnayan sa naturang aksidente. Rey Velasco