MANILA, Philippines – Naghahanda ang Commission on Elections (Comelec) na magsumite ng motion for reconsideration sa Korte Suprema kasunod ng makasaysayang desisyon nitong talikuran ang matagal nang doktrinang “second placer” sa mga usapin ng electoral protest at disqualification.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, may mga kailangang linawin sa implikasyon ng nasabing desisyon, partikular kung paano nito maaapektuhan ang pagpapalit sa mga kandidatong may pending na kasong disqualification o kanselasyon ng kandidatura.
Sa desisyon ng Korte Suprema, ipinahayag na kahit ang “first placer” ay madiskwalipika o makansela ang kandidatura, ang “second placer” ay hindi awtomatikong ide-deklarang panalo. Sa halip, ilalapat ang rule of succession alinsunod sa batas.
Binabaligtad ng desisyon ang doktrinang naitatag sa kasong Jalosjos vs. Comelec, na nagpapahintulot sa second placer na umupo sa puwesto kung ang kandidatura ng nanalo ay nakansela.
Nagbabala si Garcia na ang malaking pagbabagong ito sa legal na doktrina ay maaaring makaapekto sa mga kasalukuyan at hinaharap na desisyon ng Comelec, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa disqualification at kanselasyon ng kandidatura.
Ayon kay Garcia, bumoto ang Korte Suprema ng 8 pabor sa pagbabasura sa second placer rule, 5 ang hindi sumang-ayon, at 2 ang nag-abstain.
“Sabi po ng majority ng Korte Suprema, hindi naman ‘yung second placer ang binoto ng tao eh. So bakit natin bibigyan ng mandato?” ani Garcia.
Dagdag pa niya, kasalukuyang sinusuri ng Comelec kung paano makaaapekto ang desisyong ito sa mga national at local contests, lalo na sa mga kasong dati ay isinagawa alinsunod sa second placer doctrine.
Binanggit din ni Garcia na ang ilang kamakailang desisyon ng poll body na pumabor sa mga second placer ay naipatupad bago pa inilabas ng Korte Suprema ang desisyong ito.