Home NATIONWIDE Batas na maghihigpit sa minors sa paggamit ng socmeds, ipinanukala

Batas na maghihigpit sa minors sa paggamit ng socmeds, ipinanukala

400
0

MANILA, Philippines – Naghain ng isang panukalang batas si Senador Panfilo “Ping” Lacson na maghihigpit sa paggamit ng social media ng mga menor de edad upang protektahan ang kabataan laban sa masamang epekto ng labis na exposure.

Binanggit ni Lacson ang mga pag-aaral na nag-uugnay ng sobrang paggamit ng social media sa mga posibleng problema sa kalusugan ng isip gaya ng pagkabalisa, depresyon, at social isolation.

“A UNICEF (United Nations Children’s Fund) study … revealed that Filipino children and adolescents have grown vulnerable to cyberbullying, body image pressures, and online harassment because of social media exposure,” ani Lacson sa kanyang panukalang may titulong “An Act Regulating the Use of Social Media Platforms by Minors, Imposing Age Restrictions, Providing Penalties for Violations Thereof, and for Other Purposes.”

Dagdag pa niya, iniulat ng Council for the Welfare of Children na isa sa bawat tatlong bata sa Pilipinas na may edad 0 hanggang 18 ang gumagamit ng internet. Ayon naman sa National ICT Household Survey, 60% ng kabataang may edad 10 hanggang 17 ay may internet access at aktibong gumagamit ng social media.

Ayon kay Lacson, ang ibang bansa tulad ng Australia ay nagpatupad na ng mga polisiya upang i-regulate ang access ng mga menor de edad sa social media at iba pang online platforms.

Ipinunto niya na ang pagpasa ng Australia ng batas na nagtatakda ng minimum age limit para sa social media platforms ay bahagi ng kanilang estratehiya upang matiyak ang ligtas na digital spaces para sa lahat.

“Taking inspiration from this model, and in adherence to our State’s declared policy of promoting and protecting the mental and emotional well-being of its children, this bill is being proposed to protect Filipino children below 18 years old from online risks and harmful content by prohibiting minors from accessing or using social media platforms,” ani Lacson.

Sa panukala, pagbabawalan ang mga menor de edad sa paggamit ng social media services. Ang mga social media platforms ay inaatasang magsagawa ng “reasonable steps” at “age verification measures” upang matiyak ito.

Kabilang sa mga obligasyon ng social media platforms ang:

Pagkakaroon ng sistema para matiyak ang edad at pagkakakilanlan ng mga gumagamit, gaya ng ID verification, facial recognition, at iba pang identity authentication systems;

Regular na audit ng user account data;

Pagresponde sa mga account na age-restricted.

Ang personal na impormasyon na makukuha ng social media platforms o third-party service providers para sa age verification measures ay sasailalim sa mga batas gaya ng Data Privacy Act of 2012.

Ayon sa panukala, dapat tiyakin ng platform providers na ang nakuha nilang data ay “limited, secure, and retained only for the period necessary to fulfill its intended lawful purpose,” at ipabatid sa users ang kanilang mga karapatan ukol dito.

Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang magiging pangunahing implementing agency.

Ito ang magmo-monitor sa pagsunod ng mga social media platforms, gagawa ng mekanismo upang i-report ang mga paglabag, at magsasagawa ng imbestigasyon sa mga reklamo kaugnay ng mga paglabag sa batas.

Maaaring maglabas ang DICT ng disabling order upang alisin ang account ng isang age-restricted user.

Ang social media platform at service provider na lalabag dito ay maaaring patawan ng multang mula ₱1 milyon hanggang ₱20 milyon “para sa bawat aktong hindi pagsunod.” Mayroon ding arawang multa na hanggang ₱100,000 para sa bawat araw ng hindi pagtupad sa batas.

Maaari ring suspendihin ang operasyon ng social media platforms at service providers, o tanggalan ng lisensiya sa Pilipinas kung paulit-ulit ang paglabag.

Ang Internet Service Providers (ISPs) na hindi makatutugon sa Disabling Order ng DICT ay pagmumultahin ng ₱300,000 hanggang ₱3 milyon, at maaari ring suspendihin o tanggalan ng lisensya sa patuloy na paglabag.

Samantala, ang Third-Party Age Verification Providers ay maaaring pagmultahin ng ₱500,000 hanggang ₱5 milyon kung hindi nila masusunod ang mga probisyon ng data privacy o ang mga pamantayan sa verification. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here