MANILA, Philippines – Lumiham na ang Pilipinas sa Japanese government para humingi ng tulong sa paghahanap ng mga labi ng mga nawawalang sabungero na umano ay itinapon sa Taal Lake sa Batangas.
Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Sec. Crispin Remulla na kakailanganin ang expertise ng Japan sa seabed mapping at teknolohiyang kakailanganin sa paghahanap sa mga nawawalang sabungero.
“I just signed a letter for the Japanese government asking for assistance para magkaroon tayo ng seabed mapping at iba pang capabilities ng technology,” ani Remulla.
Samantala, sinabi ni Remulla na nasa “restricted duty” na ang 15 pulis na sangkot din sa kaso.
Sa ilalim nito, mananatili sila sa office work at hindi muna papayagang sumama sa field operations.
Batay umano sa salaysay ng whistleblower na si Julie “Totoy” Patidongan, ang 15 pulis ang mga “executioner” sa utos umano na paslangin ang mga nawalang sabungero. TERESA TAVARES