Home METRO HVI tiklo sa P5.5M shabu sa Laguna

HVI tiklo sa P5.5M shabu sa Laguna

MANILA, Philippines – Arestado ng mga pulis ang isang high-value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Siniloan, Laguna, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mahigit ₱5.5 milyon halaga ng shabu.

Sa ulat ni Colonel Ricardo Dalmacia, hepe ng Laguna police, kinilala ang suspek sa alyas na “Jr.” na nahuli ng operatiba ng local drug enforcement unit alas-9:55 ng umaga nitong Hulyo 3 matapos bentahan ng ₱14,000 halaga ng shabu ang isang undercover agent sa Barangay Wawa.

Nakuha sa suspek ang walong knot-tied plastic packs at dalawang heat-sealed sachets na may tinatayang kabuuang 810 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,508,000 at digital weighing scale.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pinagmulan ng shabu.

Si “Jr.” ay nasa drug watchlist bilang high-value individual.

Samantala, pinuri naman ni Dalmacia ang Siniloan police sa matagumpay na operasyon.

“The intensified campaign of the Laguna PNP against illegal drugs aims to cleanse the community and ensure the safety of every citizen,” aniya.

Binalaan din niya ang iba pang sangkot sa droga sa probinsya: “We will hunt you down.”

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya. RNT/JGC