MANILA, Philippines – Matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang mga maling motorista, inilagay ng Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang anim na sports car sa isang viral video ng karera sa isang pampublikong kalsada sa Tagaytay City.
Sinabi ni LTO acting chief, Atty. Greg Pua na nasa proseso na sila ngayon ng pagtukoy sa lahat ng mga driver na sangkot sa insidente na inilarawan niyang nanganganib sa buhay ng mga gumagamit ng kalsada sa lugar.
Ang proseso ng pagkilala, aniya, ay nagsisimula sa pagpapalabas ng mga show cause order laban sa mga rehistradong may-ari ng anim na sports car—dalawang Mazda MX-5, isang Ford Mustang, isang Nissan Z, isang Chevrolet Camaro at isang BMW M4.
“Naisyuhan na sa kanila ang mga SCO. And part of this process is for them to identify and bring with them the drivers of these sports cars. Maaring yung registered owner ang mga yun, o ibang driver. At wala silang kawala dito dahil may video,” ani Pua.
“Maling-mali ang ginawa ng mga taong ito dahil may tamang lugar sa mga ganung gawain. Ipinagawa ng pamahalaan ang mga kalsada para sa comfort of mobility ng mga tao, at hindi para sa mga pasaway na gaya ng mga driver na ito sa viral video,” dagdag pa nito.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Chief Renante Melitante, hinihiling sa mga rehistradong may-ari na ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa walang ingat na pagmamaneho at pagiging hindi tamang tao sa pagpapatakbo ng sasakyan.






