Home OPINION PRIME SUSPEK SA PRIMEWATER

PRIME SUSPEK SA PRIMEWATER

306
0

ITO ang isang bagay na hindi malulusutan. Halata masyado ang mga koneksyon kaya hindi na kailangan pa ng mga conspiracy theorist para maintindihan. Nakalantad ang pagkakaugnay ng gobyerno at ng pribadong negosyo: nagsimula ang biglaang pagdami ng joint venture contracts ng PrimeWater nang pamunuan ni ngayon ay Senator Mark Villar — nagmula sa pinakamayamang pamilya sa bansa — ang Department of Public Works and Highways noong 2016.

Kung tutuntunin ang bilang ng mga kontrata, masasabing hindi basta-basta ang naging pailalim na kasunduan. Noong 2016, ang PrimeWater – sa panahong iyon ay siyam na taon pa lamang nag-o-operate – ay mayroon nang 15 kontrata. Pagsapit ng 2017, sa panahong nagmula sa pamilya Villar ang namumuno sa DPWH, lumobo ang bilang na ito sa 22. Umabot sa 45 noong 2018. Naging 65 taong 2019. At nang matapos ang termino ng Duterte administration noong 2022, may hawak nang 75 kontrata ang PrimeWater.

At nagkataon pa man din: ang ahensyang namamahala sa mga water district, ang Local Water Utilities Administration o LWUA, ay konektado sa DPWH. Kailangan pa ba nating bigyang-diin na ang kagawarang ito ay pinamumunuan ni Villar, na ang pamilya ay siyang nagmamay-ari ng PrimeWater.

Sa isang Palace briefing kamakailan, sinabi ng kasalukuyang LWUA administrator na si Atty. Jose Salonga na ang prayoridad nila ay ang ibalik ang supply ng tubig sa mga lugar na problemado rito — lahat ay sineserbisyuhan ng PrimeWater.

Ayon sa kanya, ang imbestigasyon laban sa mga posibleng paglabag ng kompanya, at kung sino ang dapat sisihin sa palpak na serbisyo — marahil, sa aspetong kriminal na — ay kumpleto na. Pero biglang kambyo siya, sinabing ‘tsaka na lang pananagutin ang dapat managot.

Ang tanong ko naman, bakit hindi na lang solusyunan ang problema sa supply ng tubig tsaka isampa ang mga kinauukulang kaso — bakit hindi puwedeng pareho? Hindi naman mahihirapang tukuyin ang may sala. Nakalatag na ang ebidensiya, suportado ng mga report mula sa Commission on Audit at ng himutok ng sangkatutak na mga consumer mula sa iba’t ibang dako ng Luzon at Visayas.

Sa isang pahayag, sinabi ng PrimeWater na gusto nitong mag-“cooperate.” Siyempre naman, gagawin nila iyon — ngayong sinimulan na ng Malacañang ang imbestigasyon. Pero alin bang bahagi sa lahat ng ito ang nag-ugat sa mga joint venture deals na pasikretong pinirmahan, nang halos walang public bidding, at biglaan na lang ikinalugi ng mga water district matapos pumasok sa partnerships na sinabing kailangan daw nila?

Isang halimbawa ang Camarines Norte: sinita ng mga auditor ang junket claims ng mga director patungong Amerika — na ang mga travel authority ay pirmado mismo ni Mark Villar, sa kanyang kapasidad bilang leader ng DPWH. Kung hindi pa naman naipagtagni-tagni, ewan ko na lang.

O kaya naman ay sa San Jose del Monte at Bacolod, kung saan ilang taon nang nakikipaglaban ang mga residente upang makaalpas mula sa serbisyo ng PrimeWater. Sino nga ba ang kumikita rito — ang mga water district o ang kani-kanilang boards?

Ang dapat na tanungin ng LWUA ngayon, “Sa mga lupain din ba ng mga Villar itinayo ang mga pump stations?”

Maliwanag namang hindi lang palpak na serbisyo ng tubig ang pinag-uusapan natin dito, kundi isang lantad na case study kung paanong ang impluwensyang pulitikal ay nagiging daan upang magkaroon ng sangkatutak na transaksyon, nang walang pananagutan, at nagdudulot ng privatized dysfunction sa mga public utility.

Ayusin ang tubig? Sige. Pero huwag palulusutin ang apoy, dahil maaari nitong masilaban ang ilang makapangyarihan sa larangan ng negosyo at pulitika.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here