Home OPINION GIYERA TULOY-TULOY; PINOY PROTEKTAHAN

GIYERA TULOY-TULOY; PINOY PROTEKTAHAN

422
0

NASA 38 Pinoy seaman ang nalagay sa panganib sa Red Sea nang atakihin ang kanilang mga barko habang naglalayag.

Unang inatake ng mga Houthi ang MV Magic Seas malapit sa Hodeida port, Yemen nitong Linggo at kabilang sa mga crew ang 17 Pinoy.

Makaraan nito, inatake rin ng mga Houthi pa rin ang MV Eternity C na may 21 Pinoy crew.

May namatay umanong 4 sa Eternity C subalit walang nakatitiyak kung may Pinoy na nadamay.

Inabandona pareho ng mga crew ang mga nasabing barko dahil napinsala ang mga ito.

Ang Eternity C, maaaring lumubog sa laki ng pinsala nito mula sa mga bala ng mga rocket launcher at baril na ginamit sa pag-atake sa mga ito.

Nagpapasalamat tayo sa pagsagip sa mga crew ng ibang mga dumaraan sa Red Sea.

DELIKADONG KALAGAYAN

Maraming Pinoy ang may delikadong kalagayan sa Middle East, hindi lang sa kalupaan kundi sa karagatan din.

Ito’y dahil nasa ceasefire lamang ang nagaganap sa naging mabangis na giyera sa pagitan ng Israel at Iran kamakailan lang.

Maaaring anomang araw ay manumbalik ang giyera.

Mahigpit namang nauugnay sa giyerang Iran at Israel ang nagaganap na panganib sa mga seaman sa Red Sea.

Ito’y dahil nagpapatuloy ang giyera sa pagitan ng Hamas at Israel na bahagi ng giyerang Iran-Israel.

Ang pag-atake ng mga Houthi sa mga barko ay paraan nila para itigil ng Israel ang pagdurog sa Hamas at pagpapalayas sa mga Palestino sa labas ng Gaza na itinuturing nilang kanilang bansa.

Hanggang may ganitong giyera, hindi matitigil ang mga aksyon ng mga Houthi laban sa pinaniniwalaan nilang sumusuporta o kakampi ng Israel kahit sa karagatan.

Kaya naman hindi rin matitigil ang panganib sa mga seaman.

KONTRA PANGANIB NA AKSYON

Lumilitaw na upang mabawasan ang panganib sa parte ng mga seaman, kumilos ang gobyerno, pagtikular ang Deparment of Migrant Workers sa ilalim ni Secretary Hans Cacdad, para kausapin ang mga may-ari ng barko at manning agency na kunin muna ang pagsang-ayon ng mga seaman bago bumiyahe partikular sa Red Sea at sa iba pang mga delikadong karagatan.

Naisasagawa naman umano ito.

Subalit dahil sa pagiging sersyoso at paglala ng kalagayan, hinihiling na ngayon ng pamahalaang Pilipinas na maghanap na ng ibang mga ruta ang mga barkong may Pinoy crew para maging ligtas ang kanilang mga biyahe.

At magagawa lang ito sa pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga ship owner at manning agency at pamahalaan.

Gayunman, halos wala namang magagawa ang pamahalaan ng Pilipinas kung mas gugustuhin ng mga seaman ang makipagsapalaran sa dahilang wala silang pagpipilian.

Lalong hindi nila pipiliin ang magbarko sa Pinas sa liit ng kanilang kita rito na hindi maganda para sa kanilang mga sarili, pamilya at kinabukasan.

Ano-ano nga ba talaga ang mga dapat gawin upang ganap na mailigtas sa kapahamakan ang mga Pinoy seaman?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here