CALOOCAN, Philippines – Arestado ang dalawang itinuturing High Value Individual (HVIs) matapos makumpiskahan ng P.3-M droga sa naganap na buy bust operation sa Caloocan City, kahapon.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth na sina alyas “Bossing”, 23, mangingisda ng Ususan, at 24-anyos na tricycle driver, ng Hagonoy, kapwa ng Taguig City.
Sa kanyang report kay Northern Police Distict (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, nagawa umanong makipagtransaksyon ng isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa mga suspek kaya ikinasa ng SDEU ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong ala-1:29 ng madaling araw nang makipagtagpo umano ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo sa Phase 4, Package 4 St., Brgy. 176, Caloocan City at bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggp na buyer na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000, buy bust money na binubuo ng isang P500 bill at anim P1,000 boodle money, at gamit nilang PCX motorcycle.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng R.Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa pamamagitan ng Inquest Proceeding sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Merly Duero)