Home OPINION SINO ANG BAGONG KAMADOR NI ROMUALDEZ?

SINO ANG BAGONG KAMADOR NI ROMUALDEZ?

301
0

Ngayong papalapit na ang pagbubukas ng sesyon ng 20th Congress at pati ng budget deliberations, usap-usapan na si Quezon 2nd District Rep. David “JJ” Suarez ang napipisil ni House Speaker Martin Romualdez na pumalit bilang chairman ng committee on appropriations. Isang makapangyarihang posisyon na madalas nasasangkot sa mga kontrobersya.

Si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang huling humawak ng nasabing komite. Ngunit sa halip na maging ehemplo ng transparency, siya’y naging sentro ng batikos at paratang ng budget manipulation at illegal insertions, kabilang diumano rito ang pagpasok ng bilyun-bilyong piso sa confidential funds ng ilang ahensya.

Ayon naman kay Vice President Sara Duterte, si Co at ang Speaker ang dalawang tao lang na may hawak sa budget, na kahit ang Department of Education ay hindi pinalampas.

Anang Bise Presidente, halos nadoble ang pondo para sa classrooms mula P5 bilyon patungong P15 bilyon. Ang dagdag na P10 bilyon ay hindi raw sang-ayon sa ahensya at tanging kontrolado lang nina Co at Romualdez.

Dagdag pa rito, si Co rin ang kumamada ng budget deliberations noong 2024 para sa national budget ng 2025 (isang election year) kung saan pinuna ang umano’y malawakang pagpondo para sa mga programang ginagamit diumano sa pangangampanya. Ilan dito ang AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation), AKAP (Ayuda para sa Kapos ang Kita Program), at TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers).

Ayon sa ilang balita, ginamit ang mga nabanggit na pondo bilang pabor sa mga kandidato o kaalyado ng administrasyon. May mga paratang din na ginagamit ang ganitong pondo para palakasin ang impluwensiya sa mga distrito kapalit ng suporta sa House leadership o kay Romualdez.

Ngayon, tila may bagong bata-bata na ang liderato. Si Suarez ay matagal nang kaalyado at kilala sa pagiging masunurin sa party line. Kung siya na nga ang papalit kay Co, natural lamang na ikumpara siya rito lalo na’t pareho silang malapit sa itaas at parehong uupo sa isang sensitibong komite.

Si Romualdez ay kilalang “talamak” sa pagpapalawak ng kapangyarihan sa loob ng Kamara. Sa kanyang pamumuno sa nagdaang Kongreso, naging sentralisado ang kontrol sa budget, ginamit ang appropriations process upang palakasin ang impluwensiya sa mga kaalyado, at sinuklian ng pera ng taong-bayan ang katapatan.

Isa sa pinakamabigat na akusasyon laban kay Romualdez ay ang umano’y paggamit ng pondo upang hikayatin ang mga kongresista na pumirma sa impeachment complaint laban kay VP Sara, na nagpatindi sa pagkakahati ng mga Pilipino at direktang nakaapekto sa pamamahala ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa panahon ng matitinding tanong ukol sa integridad ng national budget, makabubuting bantayan ng publiko kung ang bagong chairman ay magiging tagapagtanggol ng taong-bayan o isa na namang tagakamada ng pork barrel.

Maglilingkod ba si Cong. Suarez sa interes ng sambayanan o magiging bagong Zaldy Co lang sa ilalim ng kasalukuyang Speaker?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here