MANILA, Philippines – Mula Hulyo 17 hanggang 23, libreng makakasakay sa LRT-2 ang mga persons with disabilities (PWDs) bilang paggunita sa National Disability Rights Week (NDRW), ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ang programa ay alinsunod sa Proclamation No. 597 na naglalaan ng Hulyo 17–23 taon-taon para kilalanin ang karapatan ng mga PWD. Kasama sa inisyatiba ang DOTr, LRTA, at National Council on Disability Affairs (NCDA).
Libre ang sakay mula 7 a.m. hanggang 9 a.m. at 5 p.m. hanggang 7 p.m. araw-araw. Kailangang ipakita ng mga PWD ang kanilang ID para makalibre.
Tinitingnan din ng DOTr ang posibilidad ng 50% diskwento sa pamasahe para sa mga sektor na itinuturing na bulnerable, kabilang ang mga PWD. Santi Celario