MANILA, Philippines – “Mayroon na po. Nag-file na ako.”
Ito ang kinumpirma ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro hinggil sa paghahain niya ng kanyang courtesy resignation, araw ng Miyerkules, Hulyo 16.
Sinabi ni Castro na kasama siya sa nasabing mandato sa kanilang ahensya.
“Para mabigyan din siya (Gomez) ng leeway para makapamili kung sino ‘yung mga taong puwede niyang isama,” ang sinabi ni Castro, sabay sabing, “Mas maganda talaga kung kilala niya ‘yung tao na makakapagsilbi para sa taumbayan.”
Nauna rito, nagpalabas ng memorandum si PCO Acting Secretary Dave Gomez na nagsaad na mayroon na lamang hanggang Biyernes, Hulyo 18, ang lahat ng political appointees o mga incumbent undersecretary, assistant secretary, director ng PCO-Central Office at pinuno at iba pang presidential appointees ng attached agency para magsumite ng kanilang unqualified courtesy resignation.
At hangga’t wala siyang aksyon sa nasabing courtesy resignation, ang lahat ng mga nasabing appointees ay dapat na magpatuloy sa pagrereport sa trabaho at gampanan ang kanilang kinagawiang tungkulin at responsibilidad.
Matatandaang kamakailan, sinabi ni Gomez na magpapatupad siya ng performance audit sa lahat ng opisyal at pinuno ng mga tanggapan ng ahensya.
Ayon kay Gomez, layunin ng audit na maging patas sa naging trabaho ng mga naunang opisyal bago siya naitalaga.
Sinimulan na rin umano niya ang pakikipagpulong sa mga department heads at opisyal ng PCO upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa operasyon ng bawat tanggapan.
Wala namang itinakdang timeframe si Gomez kung kailan matatapos ang assessment. Kris Jose