Home NATIONWIDE House arrest kay Digong, nilinaw ni Cayetano: Di pauuwiin

House arrest kay Digong, nilinaw ni Cayetano: Di pauuwiin

246
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senador Alan Peter Cayetano na hindi pauuwiin ang layunin ng resolusyon hinggil sa house arrest ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas, taliwas sa ilang pananaw ng netizens.

Sa panayam ni veteran host na si Boy Abunda na in-upload online nitong Hulyo 15, 2025, sinabi ni Cayetano na ang mungkahi niya ay “restrictive” na detention sa labas ng International Criminal Court (ICC) pero sa The Hague, Netherlands pa rin.

“Iklaro lang natin. May mga nag-react na, ‘Ano ’to, makakauwi na sa Davao? Makakauwi na sa Pilipinas?’” ani Abunda.

“Hindi po,” sagot ni Cayetano.

“Kasi meron na pong [nanawagan ng] interim release. At under the rules ng ICC, kailangan pumayag ’yung ICC member state. So ’yung akin namang sagot: Eh paano kung sa Hague mismo siya ma-house arrest? They rent a house or whatever,” paliwanag ng senador.

Ayon kay Cayetano, mas mahigpit pa nga ang ganitong setup kaysa sa regular na pagkakakulong.

“It’s like having your own jail cell, but sa labas,” aniya.

“Pag sinabi mong house arrest, Kuya Boy, modern na ngayon. So unang-una, meron ’yang monitor sa paa. ’Pag lumampas ka, kahit sa pinto lang, tutunog ’yon. Dadalhin ka na ulit kung saan,” dagdag pa niya.

“Pwedeng may jammer ’yon, so walang internet. Pwedeng monitored pa rin nila sa CCTV kung sino lang ang pwedeng bumisita,” sabi pa ni Cayetano.

Ipinanukala ng senador ang Senate Resolution No. 17 noong Hulyo 10, 2025. Sa ilalim nito, hinihimok ang pamahalaan na makipag-ugnayan sa ICC para sa posibilidad ng isang interim release para kay Duterte, basta’t ito ay alinsunod sa mahigpit na kondisyon.

Isa sa mga opsyong binanggit niya ay ang paglalagay kay Duterte sa isang inuupahang bahay sa Netherlands, o kaya sa loob mismo ng Philippine Embassy sa The Hague — na itinuturing na sakop ng soberenya ng Pilipinas.

Bilang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs, iginiit ni Cayetano na posible ang ganitong setup kung papayagan ng ICC, basta’t masusunod ang lahat ng kondisyon ng korte.

“Meaning, ’pag sinabi ng ICC, ‘Every hearing, dalhin niyo dito. Dapat wala siyang telepono’ — dapat sundin,” aniya.

Aniya, kailangan pa ring respetuhin ng bansa ang patakaran ng ICC dahil ito ang may hawak ngayon sa dating Pangulo.

“Nirerespeto ko ’yung sistema ng ICC,” aniya. “I’m not asking that he not be held accountable. I’m not asking that he not be tried. I’m asking lang na dignity for a person who’s 80 years old, who is innocent until proven guilty, may karamdaman na 80 years old.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here