Home NATIONWIDE Sheriff na tumanggap ng suhol sa drug case, tinanggal sa serbisyo

Sheriff na tumanggap ng suhol sa drug case, tinanggal sa serbisyo

241
0

MANILA, Philippines – Sinibak sa serbisyo ang isang sheriff ng hukuman na napatunayang tumanggap ng pera kaugnay ng isang kasong may kinalaman sa droga.

Sa isang desisyon, tinanggal ng En Banc ng Korte Suprema si Dwight Aldwin S. Geronimo, Sheriff IV ng Branch 121, Regional Trial Court, Imus City, Cavite, at binawi ang lahat ng kanyang mga benepisyo sa pagreretiro. Permanenteng pinagbawalan din siya na magtrabaho pa sa gobyerno.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Antolyn Dones Gonzales, na hiningan umano ni Geronimo ng PHP 200,000 kapalit ng pagpapabilis sa kaso ng droga ng kanyang kaibigang si Monib Saadoning Amatonding. Sinabi ni Geronimo na ang hukom na humahawak sa kaso ay kanyang tiyahin at nangako siyang papayagang makapagpiyansa si Monib.

Binayaran ni Gonzales si Geronimo ng paunang bayad na PHP 115,000. Pinanatili nila ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng Facebook Messenger kung saan paulit-ulit na nangako si Geronimo ng magandang resulta. Pero nang hindi pinagbigyan ng korte ang hiling na piyansa ni Monib, biglang hindi nagpakita si Geronimo, pinutol ang ugnayan nila ni Gonzales sa Facebook at pinalitan ang kanyang numero.

Hinatulang maysala ng Judicial Integrity Board (JIB) si Geronimo sa gross misconduct at inirekomenda nito ang kanyang pagkakatanggal sa trabaho.

Sumang-ayon ang Korte Suprema sa JIB at ipinataw kay Geronimo ang pinakamabigat na parusa ng pagkakatanggal sa trabaho dahil sa kalubhaan ng kanyang ginawa pati na rin ang kanyang nakaraang talaan ng maling pag-uugali.

Sa ilalim ng Seksyon 1, Canon I ng Code of Conduct for Court Personnel, hindi dapat gamitin ng mga tauhan ng hukuman ang kanilang posisyon para sa personal na pakinabang. Ang Seksyon 2 ng parehong Canon ay nagbabawal sa kanila na tumanggap ng mga regalo na maaaring maka-impluwensya sa kanilang mga opisyal na gawain.

Inamin ni Geronimo na tumanggap siya ng pera mula kay Gonzales bilang personal na utang. Nagpasya ang Korte Suprema na may paglabag pa rin ito sa Seksyon 2 ng Code dahil ang pagtanggap ng pera mula sa isang taong may nakabinbing kaso ay tahasang ipinagbabawal.

Suportado rin ito ng mga mensahe sa Facebook Messenger na hindi itinanggi ni Geronimo na kanyang ipinadala.

Nagpaalala ang Korte Suprema sa lahat ng kawani ng korte na maging huwaran ng responsibilidad, kakayahan, at kahusayan. Inaasahang gagawin nila ang kanilang mga trabaho nang may pinakamataas na antas ng pangangalaga bilang mga opisyal ng korte at mga alagad ng batas. Teresa Tavares

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here