MANILA, Philippines – Pinangalanan ni Pope Leo XIV si Tagbilaran Bishop Alberto Uy bilang bagong arsobispo ng Cebu.
Ang pagkakatalaga kay Bishop Uy ay matapos tanggapin ng Vatican ang pagreretiro ni Archbishop Jose Palma, na noong Marso 19 ay umabot na sa edad na 75 taon.
Ang Cebu archbishop emeritus ay nagsilbi sa archdiocese sa loob ng humigit-kumulang 14 na taon.
Sa kabilang banda, ang 58-anyos na si Uy ang magiging ikalimang arsobispo ng Cebu.
Ipinanganak sa Ubay, Bohol, nag-aral siya ng pilosopiya sa Immaculate Heart of Mary Seminary sa Tagbilaran City at theology sa St. John Mary Vianney Theological Seminary sa Cagayan de Oro City, kung saan nakakuha siya ng master’s degree sa pastoral ministry.
Naordinahan bilang pari para sa Diocese of Talibon noong 1993, mayroon din siyang licentiate sa sagradong teolohiya mula sa Loyola School of Theology sa Quezon City.
Nag-aral siya sa Pontifical Gregorian University sa Rome mula 2002 hanggang 2006, kung saan nakakuha siya ng doctorate sa sagradong teolohiya.
Itinalaga siya ni Pope Francis bilang pinuno ng diyosesis ng Tagbilaran noong Oktubre 2016. Pormal niyang inako ang posisyon noong Enero 6, 2017, isang araw pagkatapos ng kanyang ordenasyong obispo.