PASIG, Philippines – Isang lalaking dati nang nakulong dahil sa illegal possession of firearms noong 2019 ay muling nakakulong matapos makuhanan ng P21.76 million halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, noong Miyerkules, Hulyo 16.
Kinilala ang suspek na si alyas Nader, 25, residente ng Barangay Pinagbuhatan.
Sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-11:45 ng gabi nang isagawa ang operasyon ng mga opisyal ng Station Drug Enforcement Unit, sa loob ng bahay ng suspek matapos matagumpay na makabili ng iligal na droga ang isang police poseur buyer kay Nader.
Narekober ng pulisya kay Nader ang 3.2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P21,760,000 at iba pang drug-related items.
Sinabi ni Col. Hendrix Mangaldan, hepe ng Pasig PNP, na nagsasagawa ng operasyon ng ilegal na droga si Nader sa Pasig City, Taguig City, Taytay, at Cainta sa Rizal.
Kasalukuyang nakakulong si Nader sa Pasig PNP Custodial Facility at nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga. RNT/MND