MANILA, Philippines – Dumadami ang panukalang batas na magbabawal sa lahat ng uri ng online gamblilng tulad ng e-sabong matapos unti-unting lumilinaw ang isyu sa nawawalang sabungero.
Sa pahayag, naghain si Senador Loren Legarda ng isang katulad na panukala upang wakasan na ang lahat ng uri ng online gambling sa Pilipinas.
Nagdulot ang pag-usbong ng online gambling ng malaking problema sa lipunan tulad ng pagka-adik, pang-aabuso, at pagkalugi, paliwanag ng senadora.
“Lahat ng may access sa internet ay maaari nang pumasok sa online betting platforms at nawalan na ng kontrol ang marami,” ayon kay Legarda.
“Nababahala ako dahil marami ang nabaon sa negatibong kaugalian tulad ng mga menor de edad, mga estudyante, at mga empleyadong maliit ang suweldo, na nakaaapekto sa kanila at kanilang mga pamilya,” dagdag niya.
Ipagbabawal ng panukalang batas ang lahat ng uri ng online gambling tulad ng online casino, e-sabong, digital lotteries, virtual slots, at sports betting.
Bawal na rin ang pag-endorse at pag-advertise ng gambling-related content online.
Magsasanib-puwersa naman ang Department of Justice (DOJ), and Department of Information and Communications Technology (DICT), at ang National Telecommunications Commission (NTC) upang mag-isyu ng takedown o blocking order para sa gambling sites.
Kailangan ding i-block ng mga internet service provider ang mga gambling platform na ito sa loob ng 48 oras pagkakuha ng utos. Ang hindi susunod ay pagmumultahin o babawiin ang lisensiya.
Ang mapatutunayang may sala ay pagmumultahin ng P300,000 hanggang P500,000, o ikukulong mula anim na buwan hanggang isang taon.
Ang mga kumpanya naman ay papatawan ng multa mula P500,000 hanggang P1,000,000, at hanggang tatlong taong pagkakabilanggo sa mga may salang opisyal.
“Hindi na nakokontrol ang pagsusugal, kaya naman nakapasok na ang mga menor de edad, at nalalagay sa panganib sa aspektong pinansyal, sikolohokal, at socioeconomic,” pahayag ni Legarda.
“Nagdulot din ng pagkasira ng pamilya ang pagkahumaling sa sugal, domestic violence, mga krimen ukol sa pagsusugal, at pati na ang pagpatay,” dagdag pa niya.
“Kailangan nating wasakan ang pagkahumaling ng marami sa online gambling, dahil marami ang nasiraan na ng bait, pati na ang kabataan.” Ernie Reyes