MANILA, Philippines – Inilarawan ng House prosecution na “very alarming” ang mga pondong galing China na natanggap ng Cale88 Foods Corp.
Ang Cale88, na iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio, ay nakatanggap ng P319.33 milyong inward remittance mula sa mainland China at Hong Kong, ayon sa mga rekord na iprinisinta ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa impeachment trial.
Sinabi ni Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V na nakababahala na ang ilan sa mga kompanyang nasa likod ng remittances ay may kaugnayan sa mga Chinese state-owned enterprise, batay sa impormasyong inilatag ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa pagdinig.
“Bakit po may influx ng pera galing po sa mga, in this case galing po sa China, na galing po sa mga state-owned na iba’t ibang kumpanya at korporasyon? Hindi ka ba magkakataka, at hindi ka mababahala?” ani Ortega sa press briefing ng prosekusyon.
Ayon kay Hontiveros, lumabas sa pananaliksik ng kanyang tanggapan na may kaugnayan sa mga Chinese state-owned enterprise at sa mga istruktura ng Communist Party ang ilang kompanyang nakipagtransaksiyon sa Cale88.
Binanggit niya ang Xinjiang Food Industry Group bilang isa sa mga pangunahing kompanyang nakipagtransaksiyon sa Cale88. Inilarawan niya itong isang Chinese state-owned enterprise na isinusulong ang interes ng Chinese Communist Party.
Iginiit ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers na dapat imbestigahan ang mga transaksiyon upang malaman kung may nalabag na batas.
“So dapat laliman ang ating investigation dito sa usaping ito dahil ito ay nakakabahala.This is very alarming, and there seems to be violations that have been committed by the vice president in this case,” ani Barbers.
Sinabi ni Barbers na maaaring magdulot ito ng isyung konstitusyonal, dahil ipinagbabawal ng Saligang Batas sa mga opisyal ng gobyerno ang tumanggap ng pondo mula sa mga dayuhang pamahalaan.
Maaari rin lumabag ang mga transaksiyon sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, kung mapatutunayan ng ebidensiya na bahagi ng ilegal na transaksiyon ang mga pondo.
Gayunman, nilinaw ni Barbers na hindi idinedeklara ng prosekusyon na ilegal na ang pagtanggap ng pondong galing China.
“To say that merong illegal kaagad diyan is wrong, and we will not do that. Kaya nga ang aming panawagan ay magkaroon ng malalimang imbestigasyon nang sa ganon makita kung ano ba ito,” paliwanag ni Barbers.
Samantala, inilarawan ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na seryoso ang impormasyon, pero sinabi niyang pag-aaralan pa ng mga taga-usig kung maihahabol nila ito sa natitira nilang oras sa pagprisinta ng ebidensiya.
“Well, mabigat po ang allegation na ito, but we will discuss with the team kung mahihabol pa po ba namin ito within the limited time and the limited days that we have, doon po sa presentation of our evidence,” ani Ridon. Gail Mendoza