Home NATIONWIDE DSWD: Buong AICS cash aid, karapatan ng mga benepisyaryo

DSWD: Buong AICS cash aid, karapatan ng mga benepisyaryo

3
0

MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes, Oktubre 6, na may karapatan ang mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at iba pang social protection programs na matanggap ang buong halaga ng kanilang cash assistance.

“Wala pong sinuman ang pwedeng kumuha o humati sa financial assistance na natatanggap ng ating mga benepisyaryo sa AICS o kahit na anong programa ng DSWD. Ang lahat po ng ibinibigay sa kanila ay para sa kanila lamang,” ani DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao.

Naglabas ng paglilinaw ang DSWD matapos kumalat sa social media ang alegasyon na ang mga benepisyaryo sa Mati City, Davao Oriental na nakatanggap ng P10,000 AICS aid ay inuutusang magbalik ng P9,000.

Sa isang video na ibinahagi ng Brigada Mati City, sinabi ng ilang benepisyaryo na may mga hindi kilalang taong nasa labas ng DSWD Region 11 office ang nag-utos sa kanilang ibalik ang P9,000.

Pinaalalahanan ni Dumlao ang mga benepisyaryo na huwag ibigay o isauli kaninuman ang anumang bahagi ng kanilang natanggap na ayuda.

“Pinapaalalahanan po natin ang mga benepisyaryo ng DSWD na hindi po ninyo kailangang ibalik kahit sinuman ang natatanggap ninyo sa aming ahensya,” aniya.

Hinimok din ng DSWD ang mga benepisyaryo na agad ireport sa pinakamalapit na DSWD Field Office ang sinumang humihingi ng bahagi ng kanilang cash assistance.

“Kung may humingi po sa inyo o nagsabi na kailangan ninyong ibalik o ibigay ang bahagi ng inyong natanggap na ayuda, huwag po kayong matakot na magsumbong sa DSWD. Ang ayuda po ninyo ay hindi dapat bawasan,” ani Dumlao.

Nagbabala naman si Dumlao na iimbestigahan at sasampahan ng kaso ang sinumang sasamantala sa mga benepisyaryo.

“Hindi po magdadalawang isip ang Departamento na mag-imbestiga at magsampa ng mga kaso sa sinumang indibidwal o grupo ang magtetake advantage sa ating mga benepisyaryo. Tandaan na hindi na po ang tulong o tulong ay ibinigay na dahilan sa kanilang pangangailangan, hindi katanggap-tanggap na sila ay bibiktimahin o lolokohin pa,” sabi niya.

Nauna nang nagsagawa ng legal na aksyon ang DSWD laban sa mga lokal na opisyal na inakusahan ng pagbawas o pagkuha ng bahagi ng ayuda ng mga benepisyaryo.

Noong 2024, tinulungan ng DSWD Field Office 11 ang isang buntis na benepisyaryo sa Davao del Sur na magsampa ng kaso laban sa mga opisyal ng barangay matapos umanong mabawasan mula P10,000 hanggang P1,500 ang kanyang cash assistance. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here