MANILA, Philippines – Anim ang sugatan habang anim pa ang naiulat na nawawala sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Crising, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes, Hulyo 21.
Ayon kay PNP chief PGen. Nicolas Torre III, kabuuang 276 katao ang nailigtas sa isinagawang rescue operations, habang 35,000 indibidwal naman ang nabigyan ng tulong sa evacuation centers.
“Meron din tayong mga nasirang kagamitan ng PNP at 62 sa ating mga tao ay naapektuhan dahil sa bagyong ito,” ani Torre sa isang briefing.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan pa rin ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Tinatayang nasa 2,600 personnel ang na-deploy para sa disaster response operations, habang nasa 7,000 naman ang nasa Reactionary Standby Support Force.
Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakatanggap sila ng ulat ng limang nasawi dahil sa epekto ng habagat at bagyong Crising, kung saan dalawa ang kumpirmado.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng limang nasugatan at pitong nawawala.
Umabot naman sa 800,864 indibidwal o 225,985 pamilya ang apektado sa 1,556 barangay.
Sa bilang na ito, 20,115 katao o 5,921 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers, habang 70,720 katao o 16,671 pamilya naman ang nananatili sa labas ng mga evacuation site. RNT/JGC