SOUTH KOREA – Umabot na sa 18 katao ang nasawi habang siyam pa ang nawawala bunsod ng matitinding pag-ulan at landslide na tumama sa South Korea simula pa noong nakaraang linggo, ayon sa ulat ng pamahalaan nitong Lunes, Hulyo 21.
Sa ulat ng Ministry of the Interior, 10 sa mga nasawi ay mula sa southern county ng Sancheong, dalawa sa northern county ng Gapyeong, at dalawa sa western city ng Seosan.
Apat sa mga nawawala ay mula rin sa Sancheong at apat sa Gapyeong.
Higit 14,000 katao ang lumikas at pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers sa 15 lungsod at probinsya mula nang magsimula ang pagbuhos ng ulan noong Miyerkules.
Tinatayang nasa 1,999 kaso ng pinsala ang naiulat sa mga pampublikong pasilidad at 2,238 naman sa mga pribadong ari-arian hanggang 6:00 p.m. ng Linggo.
Ayon sa Korea Meteorological Administration, asahan pa ang pag-ulan hanggang Lunes ng umaga sa South Jeolla, South Gyeongsang at Jeju Island.
Samantala, magsisimula ring ulanin sa North Jeolla at North Gyeongsang bandang alas-9 ng umaga, habang sa capital region, Gangwon at Chungcheong provinces ay inaasahang ulan sa hapon.
Ibinaba na ng pamahalaan ang alerto mula “serious” patungong “attention” at inalis na rin ang lahat ng heavy rain advisories nitong Linggo. RNT/JGC