Home OPINION LCSP: PANININDAK NG TODA SA HAILING RIDERS, MALING-MALI

LCSP: PANININDAK NG TODA SA HAILING RIDERS, MALING-MALI

318
0

SA isang viral na video na kumakalat ngayon sa social media, makikita ang isang insidente ng alitan sa pagitan ng isang motorcycle rider na gumagamit ng ride-hailing app at ilang mga tricycle driver, umano’y naganap sa isang TODA (Tricycle Operators and Drivers’ Association) terminal o pick-up point.

Base sa video, pilit na pinipigilan ng mga tricycle driver ang motorcycle rider sa paglapit sa pasahero nito kahit na may confirmed booking ito mula sa naturang ride-hailing platform. Ang paninindigan ng mga tricycle driver ay tila nakikita nilang pang-aagaw ng teritoryo ang pagpasok ng motorcycle rider sa lugar na kanilang ino-operate. Ang video ay mapapanood dito: https://www.facebook.com/reel/715964551163836

Ipinapaalala ng Lawyers for Commuters Safety and Protection na hindi ito ang unang pagkakataong may ganitong insidente. Marami nang naitalang kahalintulad na insidente kung saan hinaharang o sinisitang mga miyembro ng TODA ang mga motorcycle riders, sa pag-aakalang inaagawan sila ng ruta.

Sa katunayan, sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Services na dinaluhan ng LCSP ngayong taon, tinalakay ang parehong isyu na kasalukuyan nang pinag-aaralan ng isang technical working group.

Ang posisyon ng LCSP sa isyung ito ay malinaw:
Kinokondena namin ang sapilitang ginawa ng mga tricycle driver laban sa motorcycle rider. Hangga’t may kumpirmadong booking ang isang lehitimong accredited na motorcycle rider sa pamamagitan ng isang ride-hailing app, dapat siyang pahintulutang magtungo sa kinaroroonan ng pasahero — kahit pa saklaw ng ruta ng isang TODA ang lugar na iyon.

Ang prinsipyong ito ay nakabatay sa karapatan ng bawat pasahero na pumili ng uri ng pampublikong transportasyon na nais niyang gamitin. Sa mga nag-viral na-video ng kaparehong insidente, sinasabi ng mga tricycle driver na ang pagpapapasok sa mga ride-hailing motorcycle riders sa mga subdivision o residential area ay banta raw sa kanilang kabuhayan. Kaya ang nais nila, ang pasahero ay sumakay muna ng tricycle papuntang TODA terminal bago mag-book ng ibang transportasyon. Ngunit ang mungkahing ito ay hindi makatwiran at salungat sa batas.

Uulitin namin: ang karapatan sa pagpili ng sasakyan ay nasa pasahero. At lalo itong mahalaga kapag malayo ang destinasyon o kung may kailangan silang agarang puntahan. Maring itinuturing na mas praktikal para sa ibang commuter na mag-book ng motorcycle ride-hailing service na may point-to-point pick-up at drop-off, kaysa sumakay muna ng tricycle, bumaba sa terminal, at doon pa lamang mag-book ng panibagong sasakyan.

Mahalagang linawin: ang mga insidenteng tinutukoy natin ay may kinalaman sa riders na may confirmed bookings mula sa legitimate ride-hailing platforms. Sa ganitong mga kaso, walang ligal na kapangyarihan o sapat na batayan ang mga tricycle driver upang hadlangan sila. Iba ang usapan kung ang rider ay sangkot sa “habal-habal” o ‘colorum’ na operasyon—kung saan pumapara lang ng pasahero nang walang booking at nanginginain ng pasahero sa TODA areas. Ngunit kung lehitimo ang booking sa platform, dapat hayaan siyang gawin ang serbisyo.

Ang ginawa ng tricycle drivers sa video ay maaaring umabot sa grave coercion under the Revised Penal Code, na nagpaparusa sa sinomang pumipigil sa isang tao na gawin ang isang bagay na hindi ipinagbabawalng batas gamit ang dahas o pananakot. Sa kasong ito, pinipigilan nila ang motorcycle rider na sunduin ang kanyang pasahero—isang ligal na aktibidad—sa pamamagitan ng pananakot. Katulad din nito, ang pamimilit sa pasahero na huwag mag-book sa ride-hailing apps ay maaaring ituring na grave coercion, dahil pinipilit nila ang pasahero na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kalooban.

Bukod pa rito, magkaiba ang saklaw at kalikasan ng operasyon ng mga tricycle at ng mga motorcycle riders mula sa ride-hailing apps:

Ang mga tricycle ay kumukuha ng kanilang awtoridad mula sa mga Local Government Unit at karaniwang limitado lamang sa mga itinakdang ruta gaya ng mga kalsada sa loob ng subdivision o barangay. Samantala, ang mga motorcycle rider na kumikilos sa ilalim ng mga ride-hailing platform ay maaaring bumiyahe sa mas malawak na mga ruta at tumawid sa iba’t ibang hurisdiksyon, kaya maaaring sila ay itinuturing na mas flexible at praktikal silang opsyon para sa mga malalayong biyahe o point-to-point na lakad.

Sa huli, nais ng LCSP na idiin na ang pinakapangunahing dapat isaalang-alang sa ganitong mga sitwasyon ay ang kalayaan ng pasahero na pumili. Kung mas nais ng pasahero na sumakay ng tricycle, dapat igalang ito. Ngunit kung pinili nilang mag-book ng motorcycle rider sa pamamagitan ng ride-hailing platform at ito ay may confirmed booking, dapat din itong igalang at hindi hinaharang ng mga tricycle driver o TODA. Ang pagbabawal sa isang ligal na aktibidad ay hindi lamang labag sa karapatan ng pasahero—maaaring magbunga rin ito ng pananagutang kriminal sa ilalim ng batas.

Atty. Albert N. Sadili
Spokesperson
Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)
09660859816 – Viber and Mobile Number

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here