Home OPINION KOLEKTOR NG ‘ABULOY’ MULA SA PUNERARYA

KOLEKTOR NG ‘ABULOY’ MULA SA PUNERARYA

188
0

NAIS ng inyong Pakurot na paalalahanan ang mga pulis na dapat ay nagseserbisyo sila sa mamamayan para sa katahimikan at kapayapaan ng pamayanan.

Kapakanan ng taumbayan ang kanilang sinumpaang tungkulin at hindi ang pangongolekta ng lingguhang “payola” mula sa mga negosyante na nais kumita para may pambuhay sa kanilang pamilya.

Pero ang isang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District sa buong panahon ng kanyang karera ay pawang pagiging kolektor ang naging trabaho.

Ilang panahon na lang ay magreretiro na ito at dapat ay NDS (non-duty status) na siya pero hindi niya ginagamit ang pribilehiyo sapagkat nanghihinayang siya sa perang makukuha niya sa mga kinokolektahan niya kabilang na ang mga punerarya.

May alaga siyang punerarya na kanyang pinoprotektahan dahil bukod sa lingguhang ibinibigay nito sa kanilang grupo ay may partikular pa siya bukod sa iba pang ‘request’ kapag may okasyon tulad ng birthday, team building, at kung ano-ano pa.

Ang mga ganitong gawain ang dapat pagtuunan ng pansin ng Philippine National Police at National Police Commission.

Sabagay, natatangi ang pulis na ito dahil sa ibang distrito naman ay walang lingguhan payola na ibinibigay sa pulis ang mga punerarya.

Hindi ito mapasusubalian ng pulis dahil mismong sariling account niya sa bangko ipinahuhulog ang pera na lumalabas na proteksyon sa negosyong punerarya.

Kundi ba naman “eng-eng” ang pulis na ito, sa mismong account niya ipinahuhulog ang perang kanyang kinokotong sa mga negosyante.

Ang masaklap, malapit na magretiro ang pulis na ito, paano kung biglang pumiyok ang mga negosyante at magreklamo sa kanyang trabaho na pagiging kolektor?

Ay kawawa naman. Sabagay, hindi naman niya kailangan pa ang kanyang retirement pay, dahil sa salaping kanyang nakotong sa mga nagnenegosyo ay sapat-sapat na upang mabuhay siya at kanyang pamilya.

Nakalulungkot lang dahil hindi tinularan ng pulis na ito ang kanyang tiyuhin na nagretirong maganda ang reputasyon dahil sa mga trabahong nagbigay ng karangalan sa QCPD.

At isa pang nakalulungkot ay ginawa na niyang kabuhayan ang pangingikil sa punerarya. Kaya nga dapat ay nasama na itong nasibak tulad ng kanyang dating amo na nabuking na napakaraming iligal na ginagawa sa kanilang unit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here