DAMANG-DAMA ng mga taga-Laguna ang patuloy na pag-akay sa kanila ng butihing Gov. Sol Aragones. Sa katunayan, inagapan ng gobernadora ang pagsuspinde ng klase kamakailan kahit hindi kabilang ang probinsiya sa hazard mapping forecast na isinagawa ng Department of Science and Technology dulot ng bagyo at habagat. Ilang oras lamang ang lumipas ay nagrekomenda naman si interior and local government secretary Jonvic Remulla ng suspensyon ng klase sa mga lugar base sa forecast ng DOST.
Naging trending pa nga sa social media ang mala-Gen Z conversation na sinimulan ni Sec. Jonvic kay Gov. Sol. Gayunpaman, pinahanga tayo ng gobernadora sa mabilis nitong desisyon at aksyon upang masiguro ang proteksyon at kaligtasan ng mga estudyante sa buong probinsiya.
Kung tayo ang tatanungin, tama si Gov. Sol sa aspetong ito dahil namomonitor niya ang dinaranas ng kaniyang mga kababayan maliban pa sa personal niyang obserbasyon hinggil sa impact ng malakas na ulan, pagbaha, posibleng pagbagsak ng mga puno o poste ng kuryente, madulas na kalsada at iba pang hazards na maaaring suungin ng mga estudyante.
May talaan siya ng topograpiya ng mga barangay na madaling bahain kahit mahina lang ang pagbagsak ng ulan. Maaaring ayaw niyang hintayin pang lumala ang sitwasyon bago magdeklara ng suspensyon.
Mas mainam nga naman ang kasabihang “better safe than sorry” lalo na kung ang safety ng mga estudyante at mamamayan ang nakataya.
Nakita at naobserbahan naman natin ang bigat ng trapiko, stranded na mga estudyante at pagkalubog ng ilang sasakyan na nangyari sa National Capital Region at ibang probinsiya. Isang problema ni Gov. Sol ang panganib ng pagtaas ng level ng tubig sa Laguna de Bay na may malaking epekto sa mga bayang nasa baybayin nito.
Ipinakita niya ang kanyang political will at autonomy bilang isang lokal na lider na mas alam ang sitwasyon sa ground sa pamamagitan ng mga report ng baha o pagtaas ng tubig mula sa disaster risk reduction management office o barangay level base sa mga data o alerts na di pa agad nagre-reflect sa national hazard maps.
Mas pinili ni Gov. Sol ang umakay at maging proactive upang maiwasan ang abala at panganib sa biyahe ng mga kabataan sa lalawigan ng Laguna.






