MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang opisyal sa Laguna na isagawa ang dredging sa Laguna de Bay upang madagdagan ang kapasidad nito at mabawasan ang pagbaha sa mga karatig-bayan.
Naghain si Biñan Rep. Arman Dimaguila ng resolusyon na humihiling sa Kongreso na ipatawag ang DPWH, LLDA, at iba pang ahensya para pag-aralan ang panukala.
“Sisiguraduhin naming ito ang unang tatalakayin pagkatapos ng SONA,” ani Dimaguila.
Isinisisi ang matinding pagbaha, na lalong pinalala ng habagat at bagyong Crising, Dante, at Emong, sa mababaw na kondisyon ng lawa na pumipigil sa maayos na agos ng tubig. Sa Brgy. Dela Paz sa Biñan, umaabot ng limang buwan bago humupa ang baha.
Iminungkahi rin ni Mayor Gel Alonte ang pagtatayo ng pumping stations ngunit aminadong wala silang sapat na pondo. Tinatayang ₱100 milyon ang halaga ng bawat isa at apat ang kailangan.
Mahigit 11,465 pamilya sa Biñan ang apektado, kabilang ang mga barangay Dela Paz, Malaban, Casile, Platero, at San Jose. RNT