Home HOME BANNER STORY Presyo ng bulaklak, kandila sa Dangwa, tumaas na

Presyo ng bulaklak, kandila sa Dangwa, tumaas na

4
0

MANILA, Philippines – Tumaas na ang presyo ng mga bulaklak at kandila sa Dangwa Flower Market sa Sampaloc, Maynila ilang araw bago ang paggunita ng Undas sa Nobyembre 1 at 2.

Mula sa dating P150, nasa P200 na ang maliit na flower basket. Ang malaking basket naman ay umabot na sa P2,500 mula sa dating P2,000, habang ang medium size ay P1,000 na mula sa dating P500.

Tumaas din ang presyo ng mga nakabundle na bulaklak. Ang Rados ay nagkakahalaga na ngayon ng P300 mula sa P280, habang ang orchids ay umabot sa P1,000 kada bundle mula sa dating P850.

Nasa P400 na ang Everlasting mula sa P350, habang ang rosas ay P300 kada bundle mula sa dating P250.

Ang Malaysian Mums ay nagkakahalaga ng P180 hanggang P400 kada dosena o bundle. Nasa P250 hanggang P450 naman ang carnation, depende sa dami na 10 o 20 piraso.

Ang sunflower ay mabibili sa halagang P300 hanggang P500 kada piraso o bundle, depende sa laki.

Ayon sa ulat, maaari pang magbago at tumaas ang presyo ng mga bulaklak habang papalapit ang Undas at dumarami ang mga mamimili.

Tumaas na rin ang presyo ng mga kandila depende sa uri at laki. Ang maliliit na esperma ay P5 kada piraso, habang ang maliliit na bilog na kandila ay tatlong piraso na sa halagang P50, mula sa dating P10 kada isa.

Ang naka-pack na esperma ay nagkakahalaga ng P65 hanggang mahigit P100, depende sa dami ng laman at tindahan. Mayroon ding kandilang nasa baso na umaabot sa P190, habang mas mura naman ang ibang uri ngunit mas mabilis matunaw at maubos.

Ang mga decorative candle na may disenyo, iba’t ibang hugis o pabango ay nagkakahalaga ng P45 hanggang P90 o higit pa.

Samantala, marami sa mga bibisita sa sementeryo ang maaga nang bumili ng kandila upang maiwasan ang mas mataas na presyo habang papalapit ang Undas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here