SINO kaya ang matutuwa sa State of the Nation Address 2025 ni Pangulong Bongbong Marcos sa Hulyo 28, 2025 kung kabi-kabila ang mga lalawigan, lungsod, bayan at barangay na nagdedeklara ng state of calamity sa mga araw na ito?
Idineklara ang mga state of calamity makaraang manalasa ang bagyong Crising na kinambalan ng habagat at tiyak, may magdedeklara pa nito dahil tuloy-tuloy ang habagat na kakambal ng mga bagyong Dante at Emong.
Itong si Emong, signal number 3 at may malalakas na ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Pangunahing mapaminsalang baha ang pumuwersa sa mga lokal na pamahalaan upang magdeklara ng state of calamity.
MGA MAY STATE OF CALAMITY
Kabilang sa mga nagdeklara na o magdedeklara pa lang ng state of calamity ang mga sumusunod:
Sa National Capital Region, naririyan ang Manila, Quezon City, Malabon City, Navotas City, Las Piñas City at Marikina City.
Sa Ilocos Region, Pangasinan at ilang lugar dito gaya ng Dagupan City, Calasiao, Mangaldan, Malasiqui, Umingan, Lingayen, Sta. Barbara at Mangatarem.
Gayundin sa Bataan, mga bayan sa Bulacan na Balagtas, Meycauayan, Calumpit, Paombong at Marilao, lahat sa Central Luzon.
Sa Tarlac naman, nandiyan ang Moncada at Paniqui habang buong lalawigan naman ng Pampanga ang idineklarang nasa ilalim ng state of calamity.
Sa Calabarzon, nagdeklara na rin ang Batangas, kasama ang Agoncillo habang nagdeklara rin ang Cavite, kasama ang Dasmariñas City.
Sa Rizal, naririyan ang Cainta, Rodriguez o Montalban at San Mateo.
Sa MIMAROPA naman, nagdeklara ang Palawan, kasama ang Roxas at sa Western Visayas, ang Antique mga bayan ng Sebaste at Barbaza.
Sa Central Visayas, Cebu City naman.
Kailan babawiin ang mga state of calamity na ito?
Walang nakaaalam dahil tiyak na meron sa mga ito ang magpapatuloy na hahaplitin ng hagat kahit wala na sina bagyong Dante at Emong sa Philippine Area of Responsibility dahil sinasabi ng PAGASA na magpapatuloy ang pag-ulan hanggang sa Hulyo 31.
MINALAS PA SA US?
Habang nasa United States si Pangulong Bongbong Marcos, iniutos na nito sa kanyang mga alagad sa Palasyo at mga ahensya ng gobyerno na unahin nilang asikasuhin ang mga biktima ng kalamidad kaysa ubusin nila ang kanilang mga oras at araw sa paghahanda sa SONA.
Sino nga naman ang makikinig nang matino o masisiyahan sa SONA kung nasa state of calamity ang milyones na mamamayan?
Alam naman natin ang SONA na puno ng magagandang ulat at pampapogi sa pambansang pamahalaan at walang negatibong lalabas kundi puro positibo.
Kung sasabihin ni PBBM na napakarami na ang nagawang anti-flood project at ligtas na ang karamihan sa baha, sino ang maniniwala?
Tila minalas pa si PBBM sa pakikipagmiting kay US President Donald Trump dahil may taripa nang 19% sa lahat ng produktong Pinoy patungong US, libre-taripa naman ang ilang produkto ng US na ibebenta sa Pinas.
At wala pang kasiguruhan na magkatotoo ang $20 bilyon pangakong negosyo ng mga Kano sa Pinas.
Paano ngang magkakaroon ang SONA ng magandang kabuluhan sa harap ng mga pangyayaring ito?






