Home METRO NHA nagkaloob ng one-month moratorium sa benepisyaryo ng pabahay

NHA nagkaloob ng one-month moratorium sa benepisyaryo ng pabahay

245
0

Bilang pagtalima sa atas ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai na tulungan ang mga Pilipinong apektado ng sunod-sunod na bagyo, agad na naglabas ng panuntunan ang NHA para sa isang buwang moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon para sa mga benepisyaryo ng pabahay nito sa buong bansa, kasunod ng pinsalang dulot ng Habagat, at ng mga Bagyong Crising, Dante, at Emong.

Sa ilalim ng direktiba ni GM Tai, ang moratorium na nakasaad sa NHA Memorandum Circular No. 2025-141 ay awtomatikong ipatutupad sa lahat ng benepisyaryo ng pabahay ng NHA sa buong bansa. Mula Agosto 1-31, 2025, suspendido ang pagbabayad ng amortisasyon at upa. Walang ipapataw na delinquency interest o multa sa loob ng isang buwang suspensyon. Magpapatuloy ang koleksyon ng amortisasyon at upa, at ang pagdaragdag ng delinquency at iba pang interes sa Setyembre 1, 2025.

Nilalayon ng moratorium na magbigay ginhawa sa mga pamilyang naninirahan sa mga proyekto ng NHA, kung saan marami sa kanila ang nararamdamna pa ang pisikal at ekonomikong epekto ng mga bagyo. Ayon kay GM Tai, ang pansamantalang moratorium ay pagbibigay-daan sa kanila na makabangon muli mula sa pinsalang dulot ng sunod-sunod na kalamidad nang walang karagdagang pasanin ng mga obligasyon sa pagbabayad.

Nilinaw din ng NHA na ang anumang bayad na ginawa sa panahon ng moratorium ay ilalapat alinsunod sa umiiral na hierarchy ng mga pagbabayad.

Dahil sa pagmamalasakit sa mga benepisyaryo ng pabahay ng NHA, idineklara ni GM Joeben Tai ang pagpapalabas ng moratorium na ito bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng bagyo. 

“Kami po sa NHA ay taos-puso ang malasakit sa aming mga housing beneficiaries. Hangad po namin na sa pamamagitan ng moratorium na ito ay makatulong kami sa inyong pamilya kahit paano,” pahayag ni GM Tai sa isang panayam.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, muling pinagtitibay ng NHA ang pangako nitong magbigay ng tunay na suporta at tulong sa mga benepisyaryo sa panahon ng kanilang matinding pangangailangan.

Ang NHA ay isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development na pinamumunuan ni Secretary Jose Ramon Aliling DANNY QUERUBIN 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here