MANILA, Philippines – Nag-iwan ng mahigit P5 bilyong pinsala sa pampublikong imprastraktura ang bagyong Crsising, Dante at Emong sa walong rehiyon, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Highways Secretary Manuel Bonoan, base sa datos mula sa Bureau of Maintenance, mayroong tinatayang P5.25 bilyong pinsala sa mga tulay, national roads at flood control projects sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas at Negros Island Region (NIR).
Sa nasabing bilang, ang pinakamataas na naitalang pinsala ay nasa P4.19 bilyon sa flood control structures, sinundan ng P913.02 milyon sa mga pambansang kalsada at pinasala sa mga tulay na aabot ng P148.48 milyon.
Gayunpaman, ang numero ay napapailalim pa rin sa field validation.
Iniulat din ng DPWH na 19 national road sections ang sarado pa rin sa trapiko sa CAR, Ilocos Region, Central Luzon at Calabarzon dahil sa mga natumbang puno at mga kable ng kuryente, debris, pagguho ng lupa, debris sa bridge deck, mga natumbang poste ng ilaw, madulas na kalsada, gumuho na slope protection at pagbaha.
Bukod dito, iniulat ng DPWH ang 37 national road section na limitado ang access sa CAR, National Capital Region (NCR), NIR, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region V at Zamboanga Peninsula dahil sa naputol na kalsada, pagguho ng lupa, pagbaha, precautionary measures, madulas na kalsada at nawashed-out na detour road. Jocelyn Tabangcura-Domenden