Home TOP STORIES Sotto pilit iniuupo bilang Senate President

Sotto pilit iniuupo bilang Senate President

252
0

MANILA, Philippines – Sa pagbubukas ng sesyon ng Ika-20 Kongreso sa Lunes, inaasahan na ring pipiliin ang mga bagong lider ng Senado at Kamara.

Sa Senado, kumpirmado na ang pagbabalik ni Senator Chiz Escudero bilang Senate President matapos lumagda ang 18 senador sa isang resolusyong sumusuporta sa kanya.

Samantala, sa House of Representatives, muling nakatakdang mahalal bilang Speaker si Leyte Representative Martin Romualdez, batay na rin sa mga press release ng kanyang opisina na nagsasabing may suporta siya ng 291 kongresista.

Ngunit lumutang ang ulat na si Speaker Romualdez umano ay nakikialam na rin sa pagpili ng Senate President. Ayon sa isang source, personal umanong tumawag si Romualdez sa magkapatid na sina Senators Raffy at Erwin Tulfo upang himukin ang mga ito na bumoto pabor kay Senator Tito Sotto.

Ginamit pa raw umano ni Romualdez ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sinabing ito raw ang kagustuhan ng Pangulo.

Nauna nang nagpahayag ng suporta para kay Escudero ang magkapatid na Tulfo.

Maging si Senator JV Ejercito, na kilalang sumusuporta rin kay Escudero, ay sinasabing nilapitan din ni Romualdez upang palipatin ng suporta kay Sotto.

Ang nasabing hakbang ay kasunod ng pagbabasura ng Korte Suprema sa impeachment complaint ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa ilang tagamasid, posibleng bahagi ito ng patuloy na pagkilos upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto, kung saan si Sotto umano ang inihahandang kakampi ni Romualdez sa Senado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here