MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga lider ng mga lalawigan ng Laguna at La Union sa pambansang pamahalaan para sa karagdagang tulong sa libo-libong pamilyang apektado ng malawakang pagbaha dulot ng habagat at sunod-sunod na bagyo.
Ayon kay Laguna Governor Sol Aragones, bagama’t may mga naipadalang ayuda mula sa pribadong sektor at may mga family food packs na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), hindi pa rin ito sapat sa dami ng naapektuhang residente.
“Umaapela tayo sa national government kung ano pa maitulong lalo na itong mga family food packs,” pahayag ni Aragones.
Idineklara na ang state of calamity sa probinsya kung saan hindi bababa sa 5,000 pamilya ang nasa mga evacuation center matapos bahain ang kanilang mga komunidad bunsod ng Southwest Monsoon at bagyong Crising, Dante, at Emong.
Kabilang sa matinding naapektuhan ang mga lungsod ng Biñan, San Pedro, Calamba, at Santa Rosa, gayundin ang mga bayan ng Bay, Pila, Victoria, at Sta. Cruz. Umabot na sa ₱40 milyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura at mga alagang hayop sa lalawigan.
Samantala, nanawagan din si La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V ng agarang tulong mula sa national government dahil sa malawakang pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa kanilang probinsya.
“We’re looking at over ₱1 billion in agricultural, housing, and infrastructure losses across La Union. Kaya nananawagan ako ng tulong mula sa national agencies in helping our province recover from Typhoon Emong,” ayon kay Ortega.
Bagama’t may ilang lugar na nabigyan na ng ayuda, marami pa ring lugar ang hindi maabot, aniya. Nanawagan din siya ng dagdag na tulong para sa road clearing at power restoration upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa lahat ng komunidad.
Hinimok rin niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tumulong sa pagsasaayos ng mga irrigation systems, drainage channels, at mga nasirang kalsada upang mapabilis ang pagbangon ng La Union.
“We need to treat this as a serious development setback that demands an equally serious response,” giit ni Ortega. RNT/JGC