Home NATIONWIDE NegOcc nagdeklara ng state of calamity sa bagyong Crising, RSSI outbreak

NegOcc nagdeklara ng state of calamity sa bagyong Crising, RSSI outbreak

278
0

MANILA, Philippines — Idineklara ng buong lalawigan ng Negros Occidental ang state of calamity para mapabilis ang pagbibigay ng ayuda sa mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyong “Crising” at sa mga taniman ng tubo na sinalanta naman ng outbreak ng red-striped soft scale insect (RSSI).

Aprobado ang deklarasyon ng Sangguniang Panlalawigan sa isang special session nitong Huwebes base sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), kasunod ng malawakang pinsala sa mga ari-arian, kabuhayan, at paglikas ng mga pamilya sa 21 sa 31 bayan at lungsod ng lalawigan.

Nilagdaan ni Gov. Eugenio Jose Lacson ang deklarasyon nitong Biyernes, Hulyo 25, kung saan binigyang-diin niyang “imperative” ang hakbang upang agad na mailabas ang emergency funds, mapanatili ang presyo ng pangunahing bilihin, at mapabilis ang rescue, relief, at rehabilitation efforts.

Ayon sa PDRRMC, umabot sa 184 barangay at 35,312 pamilya ang naapektuhan ng pag-ulan dulot ng Crising at habagat. Tinatayang nasa ₱45.5 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura, ayon sa Office of Civil Defense.

Kasabay ng deklarasyon ay ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa buong probinsya upang maiwasan ang hoarding at labis na pagtaas ng presyo. Magagamit rin ang calamity funds para sa repair at upgrading ng imprastruktura at iba pang recovery projects.

Hinimok ni Lacson ang publiko na manatiling alerto sa harap ng babala ng PAGASA na posibleng pumasok pa ang iba pang bagyo sa mga susunod na linggo na maaaring magdulot muli ng pagbaha.

Samantala, binibigyang-diin din niya sa deklarasyon ang banta ng Pulvinaria tenuivalvata o RSSI outbreak, na isang invasive pest na sumisira sa mga pananim ng tubo na isang mahalagang bahagi ng ekonomiya ng probinsya.

Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), humiling na sila ng state of calamity upang magamit agad ang ₱15 milyon mula sa SRA at Department of Agriculture para makabili ng insecticide at mapigilan ang pagkalat ng peste.

Aabot na sa ₱350 milyon ang tinatayang pinsala ng RSSI outbreak, ayon kay Lacson.

Bagama’t hindi pa ito laganap, kailangang maagapan agad upang hindi pa lumawak ang epekto nito.

Sa datos ng SRA noong Hulyo 17, umabot na sa 2,931 ektarya ng sugar lands ang tinamaan ng peste, na nakaapekto sa 1,594 na magsasaka sa 116 barangay sa 21 bayan at lungsod ng Negros Occidental. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here