MANILA, Philippines – Sa kabila ng malalakas na pag-ulan na naranasan sa ilang bahagi ng bansa sa mga nakalipas na araw, nakapagtala naman ng mataas at mapanganib na heat index ang Cagayan de Oro, Misamis Oriental nitong Sabado, Hulyo 26.
Sa abiso ng Cagayan de Oro City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), pumalo umano sa 42.4 degrees Celsius ang heat index sa Cagayan de Oro alas-3 ng hapon ng Sabado.
Idinagdag pa ng CDRRMD na naitala ang air temperature sa lungsod sa 33.2°C, sa relative humidity na 66 percent.
Ang heat index mula 42°C hanggang 51°C ay nasa “danger” level category, at maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion maging heat stroke.
Dahil sa mapanganib na lebel ng heat index, nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro sa mga residente nito na siguruhin ang palagiang pag-inom ng tubig, magsuot ng maginhawang kasuotan at limitahan ang outdoor activities kung kinakailangan. RNT/JGC