Home NATIONWIDE Patay sa sagupaan ng Thailand, Cambodia patuloy na tumataas

Patay sa sagupaan ng Thailand, Cambodia patuloy na tumataas

279
0

CAMBODIA – Patuloy ang sagupaan sa pagitan ng Thailand at Cambodia sa ikatlong sunod na araw nitong Sabado, Hulyo 26, kung saan pumalo na sa 33 ang bilang ng mga nasawi.

Ayon sa Ministry of Defense ng Cambodia, umabot na sa 13 ang kumpirmadong patay sa kanilang panig. Walo sa mga ito ay sibilyan at lima ang sundalo, habang 71 ang nasugatan.

Sa Thailand naman, limang sundalo ang nadagdag sa bilang ng nasawi nitong Biyernes, dahilan para tumaas sa 20 ang kabuuang bilang ng patay: 14 sibilyan at anim na sundalo.

Nag-ugat ang labanan sa matagal nang hindi pagkakasunduan sa hangganan ng dalawang bansa.

Ang pinakahuling insidente ay nagsimula noong Huwebes at umabot na sa paggamit ng mga jet, artillery, tanke, at mga ground troop. Dahil dito, nagpatawag ng emergency meeting ang United Nations Security Council nitong Biyernes.

Ayon sa Cambodia, limang heavy artillery shell ang pinakawalan umano ng Thailand sa Pursat province, na karatig ng Trat province ng Thailand. Humigit-kumulang 250 kilometro mula sa pangunahing linya ng labanan.

Dahil sa gulo, mahigit 138,000 katao na ang inilikas sa mga border area ng Thailand, habang 35,000 naman ang nawalan ng tirahan sa Cambodia.

Sa pulong ng UN sa New York, sinabi ni Cambodian UN Ambassador Chhea Keo na nananawagan sila ng “immediate ceasefire — unconditionally — and we also call for the peaceful solution of the dispute.”

Sa panig ng Thailand, sinabi naman ni Foreign Minister Maris Sangiampongsa na kailangang ipakita ng Cambodia ang “genuine sincerity in ending the conflict” bago matuloy ang tigil-putukan at pag-uusap.

Aniya, “I urge Cambodia to stop violating Thai sovereignty and to return to resolving the issue through bilateral dialogue.”

Bago pa man ang UN meeting, sinabi na rin ng Thai Foreign Ministry na bukas sila sa negosasyon, posibleng may tulong mula sa Malaysia na siyang kasalukuyang chair ng ASEAN, kung saan parehong miyembro ang Thailand at Cambodia.

Nagtuturuan naman ang dalawang bansa kung sino ang unang nagpaputok, habang inaakusahan ng Thailand ang Cambodia ng pananarget ng civilian infrastructure, kabilang ang ospital at istasyon ng gasolina.

Sa kabilang banda, inakusahan din ng Cambodia ang Thailand ng paggamit ng cluster munitions.

Personal na bumisita si dating Thai Prime Minister Thaksin Shinawatra sa mga evacuation center nitong Sabado para makipagpulong sa mga apektado.

Aniya, “The military needs to complete its operations before any dialogue can take place.” Wala rin umano siyang balak kontakin si dating Cambodian PM Hun Sen na tinawag niyang may “disturbed mindset.”

Ang kasalukuyang krisis ay muling nagpapainit sa matagal nang pagtatalo sa 800-kilometrong hangganan ng dalawang bansa.

Huling nagkaroon ng matinding sagupaan sa pagitan ng 2008 at 2011, kung saan 28 ang nasawi at libo-libo ang nawalan ng tirahan.

Noong 2013, isang UN court ruling ang pansamantalang nag-ayos sa usapin, ngunit muling sumiklab ang tensyon nitong Mayo nang mapatay ang isang sundalong Cambodian sa panibagong engkuwentro.

Lalong lumala ang tensyon nang ilabas ni Hun Sen ang audio recording ng pag-uusap nila ni Thai Prime Minister Paetongtarn Shinawatra tungkol sa sigalot sa naturang border.

Nagdulot ito ng political crisis sa Thailand matapos akusahan si Paetongtarn, anak ni Thaksin, na hindi ipinagtanggol ang soberanya ng kanilang bansa.

Sa kasalukuyan, suspendido sa puwesto si Paetongtarn alinsunod sa kautusan ng korte. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here