MANILA, Philippines — Nangako ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na tutulong sa Commission on Elections (Comelec) sa pagsasagawa ng information at education campaign kaugnay ng gaganaping parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Oktubre 13 ngayong taon.
Nakasaad ang commitment sa isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ng dalawang panig nitong Biyernes, kasabay ng paghahanda para sa mock election sa Lanao del Sur na isinagawa nitong Sabado.
Ayon kay IBP president Atty. Allan Panolong, bahagi ng partnership ang pagtulong upang labanan ang disinformation hinggil sa iba’t ibang aspeto ng darating na halalan.
Binigyang-diin ni Panolong ang kahalagahan ng pagpapaintindi sa mga botante ng BARMM tungkol sa proseso ng pagboto, kanilang karapatan, at ang makasaysayang bigat ng kanilang magiging desisyon sa balota.
Tutulong din ang IBP sa pagtiyak na ang bawat reklamo o electoral grievance ay mapoproseso nang patas.
“Ang IBP ay tutulong din sa pagresolba ng mga electoral dispute, pagbibigay ng legal na payo, at pagsigurong ang anumang electoral misconduct ay maimbestigahan at mapanagot,” ani Panolong.
Pinuri naman ni Comelec Chair George Erwin Garcia ang IBP sa ilalim ng pamumuno ni Panolong sa pakikipagtulungan sa komisyon. RNT/JGC