Home NATIONWIDE Palasyo: Igalang ang desisyon ng Korte Suprema sa impeachment ni VP Sara

Palasyo: Igalang ang desisyon ng Korte Suprema sa impeachment ni VP Sara

275
0

Umapela ang Malacañang sa publiko na igalang ang Korte Suprema matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ang isinampang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa mensahe sa mga reporter, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi pa natatanggap ng Palasyo ang kabuuang kopya ng pasya ng Korte Suprema.

“Hindi pa namin natatanggap at nababasa ang buong desisyon ng Korte Suprema. Sa ngayon, nananawagan kami sa publiko na igalang ang Korte Suprema at magtiwala sa ating mga institusyon,” pahayag ni Castro noong kalalabas pa lamang ng desisyon.

“Ang impeachment ay saklaw ng lehislatura at hudikatura, at kinikilala namin ang kanilang kalayaan sa pagtupad sa tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas,” dagdag niya.

Sa mga naunang pahayag, nilinaw ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa impeachment laban kay Duterte, kasabay ng pagbibigay-diin na ito’y usapin ng Kongreso.

Kanyang sinabi na masyado siyang abala sa pagtugon sa pangangailangan ng bansa kaya wala siyang panahon para pagplanuhan ang anumang hakbang laban kay (VP) Duterte.

Noong Pebrero, 215 mambabatas ang bumoto pabor sa impeachment ng Bise Presidente dahil umano sa katiwalian, panunuhol, paglabag sa tiwala ng taumbayan, at iba pang mabibigat na krimen na may kaugnayan sa kontrobersyal na paggamit ng confidential at intelligence funds.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here